Ang Aklat at ang Panahon
Roberto T. Añonuevo
Mga minamahal kong administrador, guro, alumni, at estudyante ng EARIST, magandang umaga sa inyong lahat.
Nagulat ako sa inyong imbitasyon sa akin, at sa pamamagitan ng Facebook ay nakuha ninyo akong mapadalo sa inyong pagtitipon. Ang totoo’y marami akong tinanggihang pagtitipon na gaya nito, at masuwerte kayo sapagkat dito ko pinuputol ang aking pananahimik. Tinanong ko si Bb. Baby Lyn Conti kung ano ang tema, at mabilis naman niyang tinugon na “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan.”
Bago ako dumako sa inyong tema, hayaan ninyong sipiin ko ang salin ng tula mula sa Sanskrit ng dakilang makatang Magha ng India:
Pinakakain ba ng gramatika ang nagugutom?
Tinitighaw ba ng nektar ng tula ang nauuhaw?
Hindi makabubuhay ng pamilya ang pagsisid
sa mga lihim na karunungan ng mga aklat.
Magpakayaman ka’t ang sining ay iyong iwan.
Ang mapanudyong payo ni Magha sa sinumang ibig pumalaot sa panitikan at pagsusulat ay umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon. Bakit nga ba naman magpapakamatay sa sining, gayong hindi naman lahat ng tao ay binubuwenas na kumita mula sa gayong propesyon? Ang nasabing payo ay waring narinig ng CHED, at hindi ako nagtataka kung bakit nakapaling sa pagkita ng pera ang edukasyon kaysa pagpapalawig ng panitikan at wika. Ngunit ang nasabing tula ay balintunang paalala rin na ang sinumang seryoso sa pagsusulat, at ibig magtagumpay, ay hindi mahahadlangan kahit ng sanlibong halimaw, sapagkat ang sining ng pagsusulat ay higit sa maibibigay ng salapi o panandaliang kaluguran, at ito ay may kaugnayan sa ating kamalayan, guniguni, at gunita. Si Magha ang makatang sumulat ng inmortal na epikong Shishupala Vadha, na hango ang banghay sa Mahabharata, at pambihira ang laro ng mga salita.
Ang pagsusulat ng panitikan ay laan sa elitista, at kung naririto si Magha, bibiruin niya kayo na magtinda na lamang kayo sa Divisoria o magtrabaho sa Ayala. Hindi sapat ang mag-aral ng bokabularyo, gramatika, at retorika; o magsaulo ng mga detalyeng pangkasaysayan, bagkus kailangan ang pambihirang imahinasyon sa pagkatha at pagsusulat. Magagawa ito sa tumpak na pagsasanay, at pagbabasa ng iba’t ibang aklat.
Ang inyong tema ay may apat na salita na marapat titigan: aklat, karanasan, sandata, at kinabukasan. Nakasisindak sa unang malas ang ganitong tema, lalo kung ipagpapalagay na may kaugnayan sa panitikan ang aklat; na ang karanasan ay tumatawid mulang realidad tungong guniguni; na ang sandata ay nagbabadya ng pakikihamok kung hindi man pagtatanggol sa sarili; na ang kinabukasan ay maaaring ang kahahantungan ng awtor o mambabasa o aklat, na sa bandang huli ay kayo ang mamimili kung karapat-dapat sa basurahan o kaya’y aklatan ang lahat ng pagpapagal.
Maiisip na ang “aklat ng karanasan” ay isang direktoryo ng nakalipas na buhay, at kung sinuman ang nakagawa nito ay maipagmamalaking nakaraos sa mga sigwa ng buhay. Ngunit ang panitikan—gaya sa tula, katha, dula, at sanaysay—ay maipapalagay na kapuwa paningin at pananaw, at kung gayon ay nalalangkapan ng pagsisinungaling, na metapora sa kabaligtaran ng basta pangangopya sa realidad. Ang paningin ay kasangkapan upang unti-unting mabuksan ang pinto tungo sa pook na kagila-gilalas, kahindik-hindik, o karima-rimarim, bagaman ang paningin ay maaaring magkaroon ng limitadong saklaw, o sabihin nang pinsala, alinsunod sa maibubuga ng awtor at sanhi ng ideolohiyang kaniyang tinataglay. Samantala, ang pagtanaw ay hindi newtral na pagdulog; ito, gaya ng pagsilip sa teleskopyo, ay maláy na pagdulog, at sinasadya ng awtor upang ang kaniyang mga mambabasa ay maipaling sa mga pangyayaring minabuti niyang mapagnilayan.
Kung ang panitikan ay may sariling mata at lente na pawang nakalilikha ng mahika, alinsunod sa punto de bista ng awtor, ito rin ay maaaring magkaroon ng katumbas na mata at lente sa panig ng mga mambabasa, alinsunod sa abilidad at karanasan nila sa pagsagap at pagbabasa. Maraming pagkakataon na nagtutugma ang paningin at pagtanaw ng awtor sa paningin at pagtanaw ng mambabasa. Ngunit sa ilang pagkakataon, nakalilikha ng salamangka ang awtor at ang kaniyang mga mambabasa ay nagkakaroon ng sari-saring interpretasyon—na magbubunga para lumago ang mito ng awtor bilang manlilikha. Samantala, ang panitikan ay tututol na maikahon o maiseroks, at higit na pipiliing maging lihis, kakatwa, naiiba.
Napakahalagang pagtuonan ng awtor ang kaniyang ilalapat na paningin at pagtanaw sa kaniyang akda, sa pamamagitan ng kaniyang tauhan, na pagkaraan ay mahuhubog sa isang pook at panahon, at marahil ay magluluwal ng kakaibang pagsagap, na maghahatid sa pagpapasiya kung paano titimbangin ang iba’t ibang karanasan. Ang tula, halimbawa, ay karaniwang may isang persona, na malalapatan ng natatanging tinig at himig, at napapaloob sa isang lunan at panahon, ngunit ang personang ito ay hindi palagi ang maituturing na bida. Maaaring kinasangkapan lamang siya ng awtor upang ang daigdig ay matunghayan ng mga mambabasa.
Sa ibang pagkakataon, ang isang mahabang tula ay maaaring magkaroon ng dalawa o higit pang persona (na may pangunahin at mga sekundaryo), at natural, ang mga persona ay di-maiiwasang sipatin na may gradasyon, o kung hindi man, ay nagsusuhayan sa isa’t isa, upang mapalitaw ang karupukan at kalakasan ng bawat persona, at maitanghal ang komplementaryong ugnayan ng mga ito. Ganito ang taktikang ginawa ni Rio Alma sa kaniyang Huling Hudhud. Ang kakatwa, ang Hudhud ay walang katapusang salaysay, at marahil magwawakas lamang kung magugunaw ang isang komunidad na pinag-ugatan nito.
Ang pagsusuri sa sariling akda ay hindi magtatapos sa mga tauhan o banghay o lunan o gusot; karaniwan ang mga katangiang ito ay naglalaro sa kapangyarihan, at hindi ako nagtataka kung bakit ginamit ninyo ang salitang “sandata” sa inyong tema. Ang laro ng kapangyarihan ay hindi maikakahon sa banggaan ng mga uri o nasyon; bagkus maaaring maglagos ito kahit sa paraan ng pagtunghay sa kultura, sa pagbasa sa baluktot na kasaysayan, sa pagtitig sa mga kontradiksiyon sa identidad at kamalayan, sa pagdestrungka sa sentro na kung hindi kabulaanan ay sadyang parang sibuyas na walang lamán ngunit nag-iiwan ng anghit na hindi man makita ay nadarama.
Ang nakapagtataka’y habang humahaba ang tula o akda, lalong nawawalan ng lakas kung hindi man toleransiya ang mambabasa na tapusin ang pagbabasa, kahit sabihing primera klase ang isang akda. Ito ay kung wala siyang kasanayan, tatag, tiyaga, at panahon para magbasa nang matagal, at mag-isip nang malalim. Hindi kataka-taka na ang magagandang nobela o epiko’y higit na pipiliing maisalin sa teatro, pelikula, at komiks, at kung matapos mang basahin ang mga ito’y dahil sapilitang asignatura sa paaralan. Ang ganitong intersemiyotikong pagsasalin ay makapagpapabago sa nilalaman at anyo ng akda, at ang napangingibabaw ay ang paghahatid ng mensahe sa mga konsumidor, alinsunod sa skopos ng naturang pagsasalin.
Ngunit ang sining ay hindi simpleng paghahatid ng mensahe, gaya ng kahig-manok na sulat sa pader ng mga aktibista. Ang sining ay nakatuon sa panghihimasok sa pagsagap, bukod sa pagtatakda at paglampas, sa pamantayang naitakda sa isang panahon o kumbensiyon, at sa pagyanig sa ating guniguni para makaigpaw sa pagiging karaniwan. Ang graffiti ng mga aktibista, gaya ng matutunghayan sa Maynila, ay naging de-kahon sa paglipas ng panahon at nanatiling pambangketa lamang; at sa gayong pangyayari ay ni walang ambag para magtulak sa taumbayan na maghimagsik sa pamahalaan. Tandaan nating ang paghihimagsik ay hindi lamang silakbo ng damdamin, kundi nasa antas ng kritikal na pag-iisip at pag-agaw ng kapangyarihan. Ang kakatwa, ang mga aktibista pa ngayon ang binabanatan, sapagkat ang pagdungis nila sa pader na sinikap linisin at pagandahin ng pamahalaang lokal ay tinatanaw na kontra-rebolusyon— mula sa rebolusyong sinimulan ni Meyor Isko Moreno Domagoso laban sa pamamahalang marumi, masikip, magulo—at sa maikling salita’y walang direksiyon kaya walang maaasahang mabuting patutunguhan.
Isang rebolusyon ang ginawa ni Yorme, kung isasaalang-alang na halos kalahating siglong napabayaan ang Maynila, na ang naging persepsiyon ng mga tao ay kubeta kung hindi man imburnal ng Filipinas, at pugad ng mga pokpok, maton, adik, at lumpen, na kinakatawan ng ikonikong Asiong Salonga, at pinaghaharian ng mga malikhaing propitaryo at organisador mula sa mga sindikato, at naging gatasan ng mga politiko at kasapakat nila sa paglipas ng panahon. Ang taguring “Imperyalistang Maynila” ay isang kabulaanan, at totoo lamang noong panahon ng kolonisasyon at kung isasaalang-alang na ang Malacañang ay nasa Maynila; ngunit ang Maynila kahit noong panahon ng Batas Militar ay nagkukubli ng pagkaagnas sa kabila ng magagarang impraestruktura ng pamahalaan dulot ng migrasyon at paglaki ng populasyon. Ang pagpapalinis ng Maynila, gaya sa Liwasang Balagtas o Liwasang Bonifacio, ay pagkambiyo kung hindi man pagpihit sa paningin at pananaw tungo sa dakilang nakalipas; at ang pook ay muling hinahango ang lakas nito sa mahabang kasaysayan ng pagpupunyagi ng mga dakilang tao na nagsilbing inspirasyon ng mga mamamayan sa mahabang panahon.
Ang isang manunulat na hindi lumilingon sa kaniyang pinanggalingan ay hindi kailanman matutuklasan o maipagmamalaki ang henyo ng kaniyang wika at panitikan.
Kung ituturing na kayo ay mga anak ng Maynila, dahil nag-aral o lumaki kayo sa Maynila, ang paglingon sa nakaraan ay isang hakbang pasulong, sapagkat ang nakaraan ang magtutulak sa inyo na lumikha ng isang kathang-isip na Canal de la Reina, gaya sa nobela ni Liwayway A. Arceo, o kaya’y laberinto ng dilim sa realistang nobela ni Edgardo M. Reyes at isinapelikula ni Lino Brocka; ng buhay-Maynila, gaya sa mga tula ni Anastasio Salagubang na alyas ni Jose Corazon de Jesus at ni Kuntil Butil na alyas ni Florentino T. Collantes; ng isang Tundong katumbas ng langit ni Andres Cristobal Cruz; ng mga mapanudyong sarsuwela at dula ni Severino Reyes at ni Patricio Mariano; o kaya’y lumikha ng adaptasyon ng impiyerno ni Dante Alighieri na pumaloob sa Smokey Mountain, gaya sa mahabang tula ni Rio Alma (kahit sabihing anakroniko sa panahong ito ang nasabing tula sapagkat burado na ang dating imahen ng Smokey Mountain); at balikan ang pambihirang kultura at kasaysayan sa gaya ng mga sanaysay nina Teodoro A. Agoncillo, Nick Joaquin, F. Sionil Jose, Carmen Guerrero Nakpil, Ricky Lee, at sangkaterbang manunulat na kung hindi lamán ng Ermita at Escolta ay naroon sa ipodromo o kabaret ng Santa Ana. Maynila ang pugad noon ng mga dakilang manunulat na Tagalog bago sumapit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na kabilang sa gaya ng organisasyong Aklatang Bayan.
Kung maibabalik ang ganitong tagpo sa ngayon, ang mga manunulat na Filipino ay makapag-aambag ng mga primera klaseng akda na maipagmamalaki hindi lamang sa Filipinas bagkus sa buong daigdig.
Manunulat ang nagtatakda ng testura ng wika mula sa kaniyang isinaharayang pook, panahon, at tauhan. At ang wikang ito ang magdaragdag ng mga konsepto at diskurso na marahil ay may kapasidad na lumampas, kung papalarin, sa hanggahan ng karagatan ng Filipinas. Isang dating konsehal ng Maynila at propesor sa mga unibersidad sa Maynila, ang dakilang Iñigo Ed. Regalado, ay nag-ambag sa pamamagitan ng pagbuo ng malawakang sarbey at kritika ng mga tula, at kuwentong nalathala bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kung hindi kay Regalado ay hindi mababatid ng henerasyong ito ang ginawa ng mga manunulat na Tagalog na paunlarin ang panitikang pasulat na pagkaraan ay magiging batayan sa pagsusuri sa pag-unlad ng Tagalog na siya namang magiging haligi para sa isang pambansang wika. Ang hámon sa atin ay ipagpatuloy ang nasimulang pagsisikap ng gaya nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda na kung hindi ninyo alam, ay naging mga opisyal ng Surian ng Wikang Pambansa na ngayon ay Komisyon sa Wikang Filipino.
Napapanahong himukin muli ang madla na magbasa. Hindi lamang mga estudyante at akademiko ang dapat nagbabasa. Ang pagbabasa ay dapat umabot hanggang pinakamababang saray ng lipunan, at maging kaugalian at paraan ng pamumuhay, sapagkat tanging edukasyon ang makapagpapabago sa ating sarili tungo sa maláy na antas. Sa maniwala kayo’t sa hindi, ang problema sa kritikal na pagbabasa ay hindi lamang matutunghayan sa mga maralitang pook o bilangguan o palengke, bagkus kahit sa loob ng mga kolehiyo at unibersidad, na napipilitang tumanggap ng mga estudyanteng ang antas ng kritikal na pagbabasa at pagsusulat ay waring nasa antas ng Grade 6. Kung ako si Yorme, maglalaan ako ng pondo para sa mga aklatan ng Maynila, at iaatas kong palawigin ang koleksiyon ng mga aklat na sinulat ng mga manunulat na taga-Maynila o ng sinumang tumalakay hinggil sa kalagayan ng Maynila. Iaatas ko rin sa mga kabataan na tangkilikin ang pagbabasa ng mga aklat, at kung may sapat na pondo ay tutumbasan ng pabuya ang sinumang makapagsusulat at makapagpapalathala ng mga de-kalidad na aklat na pampanitikan at iba pang larang.
Upang makahimok tayo ng maraming mambabasa, inaasahan naman sa atin ang paglikha ng matitinong aklat (at hindi basta masabing aklat), na hindi nakalaan para kumita at pagkakitahan lamang ng mga patakbuhing pabliser at akademikong palimbagan, bagkus sadyang nakatuon sa pagpapanibago ng kamalayan ng mga mambabasa. Ang ilalabas nating aklat ay dapat magkaroon ng mataas na pamantayan sa kasiningan at nilalaman, masinop sa wika at diskurso, at may pagpapahalaga, kahit paano sa saliksik, kasaysayan, at kultura. Kailangang marunong sumugal ang ating mga akda sa mga usaping tumutulay sa panganib at pangangahas. Ganito ang ginawa ni Jorge Luis Borges sa kaniyang mga prosa at tula, na pawang nagtataglay ng mga sariwang idea, sapagkat para kay Borges ay hindi sapat na maging intelektuwal na malalim ang erudisyon sa isang larang (na parang Artificial Intelligence), bagkus kinakailangan ang mga intelektuwal na magtaglay ng sariwang idea hinggil sa pagtanaw sa daigdig. Kung hindi’y nakatakda tayo na pumaloob sa mga guhong paikid, at matutuklasan natin ang sariling nabalahò sa sumpa ng pag-uulit at kamangmangan, at likha ng higit na nauna sa atin.
Makatutulong sa atin na bumuo ng mga grupong magsusulong ng mga palihan [workshop] sa pagsusulat. Mahigit tatlumpung taon na ang nakaraan, dumaan din ako sa mga palihan na dinaluhan ng mga bigating kritiko sa panitikan. Ang naging epekto nito sa akin ay lalo akong nauhaw sa karunungan, at natuklasan ko ang aking kahinaan at katangahan, na pagkaraan ay magtutulak sa akin upang higit na paghusayin ang sining sa pagtula, pagkatha, pagsasalin, panunuri, pagpapalathala, at iba pang gawain. Ang aming pag-aaral noon ay umaabot hanggang sa inuman sa IBP (Ihaw Balot Plaza) at iba pang birhaws sa Quezon City, kaya lahat kami’y nasaniban ng espiritu ng aming musa na binabantayan ni San Miguel. Sa maniwala kayo’t sa hindi, higit na marami akong natutuhan sa inuman kaysa loob ng paaralan, sapagkat tunay na panitikan at kasaysayang pampanitikan at teorya at kritikang pampanitikan ang aming pinag-uusapan at hindi pulos kalibugan o kabalbalan.
Marami ang umaangal na kesyo kulang na kulang ang mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika na maaaring basahin ng ating mga estudyante. Gaano karami ba ang titulong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika kada taon? Walang makukuhang malinaw na datos, sapagkat ang mga institusyong dapat nagsasaliksik nito, gaya ng National Book Development Board, ay bigong likumin ang impormasyon. Umaasa lamang tayo sa bilang ng mga titulong humingi ng ISBN at ISSN doon sa National Library, ngunit kung ilan ang nasa Ingles at ilan ang nasa Filipino at/o katutubong wika ay walang matutunghayan. Ang pagpaplano, kung gayon, kahit sa pagpapalathala ng mga aklat na nasusulat sa Filipino ay apektado, sapagkat waring pangangapa ito sa dilim.
Kung may nailathala man hinggil sa mga aklat pampanitikang nasusulat sa Filipino at/o katutubong wika ay nagkakasiya ang karamihan sa mga pabliser na maglimbag ng tigsasanlibong sipi bawat tituto. Ano ang mararating nito? Wala, kung isasaalang-alang na ang populasyon ng Filipinas ay lumampas na sa 100 milyong tao. Ang isang opsiyon ay gamitin ang elektronikong publikasyon at maglabas ng maraming ebook para madaling ma-download ng mga guro at estudyante, bagaman napakaliit ng bilang sa sarbey ng NBDB hinggil sa mga gumagamit ng ebook. Samantala, sa 200 sangay ng National Bookstore sa buong bansa, masuwerte nang magkaroon ng titulo ritong nasusulat sa Filipino, sapagkat ang promosyon ng mga aklat na ibinebenta rito ay pulos hango sa New Times Bestseller List, at sa ganitong pangyayari, ang pananaw at panlasa ng mga Filipino hinggil sa panitikan ay naididikta ng malalaking publikasyon mula sa New York. Ang Book Sale, na may 91 sangay sa buong kapuluan, ay pulos Ingles ang titulong ibinebenta at maituturing na ukay-ukay ng mga aklat na halos ibinabasura ng ibang bansa. At ang Pandayan Bookshop, na may 90 sangay, ang tanging nagbibigay-pag-asa sa mga lokal na awtor para maitanghal ang kani-kaniyang aklat at mabili.
Panahon na ngayon para ipaling ng EARIST ang seryosong tangkilik sa mga manunulat na naging bahagi nito. Kung nais nating makapagparami ng mga manunulat, kailangang magsimula ito sa EARIST na handang maglaan ng pondo, oras, tauhan, at pasilidad. Huwag kayong umasa sa mga manunulat na mula sa UP, AdMU, DLSU, at UST, sapagkat ang pagpapalago ng panitikang Filipino at wikang Filipino ay tungkulin ng bawat mamamayan, at hindi ng isang institusyon o organisasyon lámang. Ang pagpapalathala ng mga aklat (lalo na yaong nasusulat sa Filipino) ay dapat nasa target ng EARIST taon-taon, bukod sa pagbubukas ng pinto sa promosyon at distribusyon ng mga aklat tungo sa publiko. Ipupusta ko sa inyo na kung gagawin ito ng EARIST taon-taon, mapatataob nito—sa loob ng isa o dalawang dekada—ang ibang malalaking kolehiyo at unibersidad na walang tangkilik sa mga manunulat at sa publikasyon ng mga aklat pampanitikan, lalo yaong nasusulat sa Filipino at mga katutubong wika. Simula rin ito para makilala ang EARIST bilang Sentro ng Kahusayan sa Filipino at Edukasyon.
Maniwala tayo sa kapangyarihan ng panulat kahit maraming pinapaslang na manunulat sa ating panahon, at gaya sa maparikalang tulang tuluyan ng bantog na manunulat na si Augusto Monterroso ay maging Zorro nawa tayo sa hinaharap—na marangal, matapat sa sining na pinagsisilbihan. xxx
(Binasa sa pagdiriwang ng EARIST na may temang “Aklat ng Karanasan, Sandata sa Kinabukasan,” na ginanap sa Manila Grand Opera Hotel noong 23 Nobyembre 2019.)