Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig, ni Nizar Qabbani

Salin ng “Hawamish ʿala Daftar al-Naksa” ni Nizar Qabbani ng Syria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mumunting Talâ sa Aklat ng Pagkalupig

I
Mga kaibigan, ikinalulungkot ko ang sinaunang wika
At mga antigong aklat.
Ikinalulungkot ko
Ang warak na mga salita, gaya ng lumang sapatos,
Ang mga parirala ng kalibugan, paninira, at panlalait.
Ikinalulungkot ko
Ang wakas ng kaisipan na nagbunga ng pagkalupig.

II
Maaalat ang tula sa ating mga bibig,
Maaalat ang tirintas ng mga babae,
At ang gabi, at ang lambong, at ang mga puwit.
Maaalat ang mga bagay na nasa harapan natin.

III
Bayan kong kawawa,
Binago mo ako sa kisapmata
Mulang makatang nagsusulat ukol sa pag-ibig at pananabik
Tungong makatang nagsusulat nang may tangang patalim.

IV
Dahil mabigat ang niloloob kaysa ating mga aklat
Ay marapat lámang na ikahiya ang ating mga tula!

V
Hindi kakatwa kung matalo man tayo sa digmaan:
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lahat ng silanganing sining ng retorika
At kabayanihang ni hindi nakapatay ng isang niknik.
Pinasok natin ito
Nang taglay ang lohika ng mga tambol at rebab.

VI
Ang lihim ng ating trahedya
Ay nakatutulig ang ating sigaw kaysa ating mga tinig
At higit na matangkad sa atin ang sariling mga espada.

VII
Ang kalagayan
Ay malalagom sa isang kasabihan—
Isinuot natin ang sibilisadong balát
bilang panakip sa kaluluwang pagano.

VIII
Hindi matatamo ang tagumpay
Sa pamamagitan ng plawta at pipa!

IX
Ang improbisasyon natin ay nagsilang
Ng limampung libong bagong tent.

X
Huwag sumpain ang langit
Kung pinabayaan kayo,
Huwag sisihin ang pangyayari,
Dahil idinudulot ng Diyos ang tagumpay saanman niya naisin—
Ngunit wala kayong panday na makalilikha ng mga patalim.

XI
Kay sakit marinig ang mga balita sa umaga,
At masakit sa akin kapag narinig ang tahol.

XII
Hindi tumawid ang mga Hudyo sa ating hanggahan
Ngunit nagsigapang,
gaya ng mga hantik, sa pamamagitan ng ating kahihiyan.

XIII
Sa loob ng limang libong taon
Ay namuhay tayo sa malalim na lungga
At nagpahaba ng balbas, at lingid ang pananalapi,
At naging lagusan ng pulgas ang ating mga mata.
Mga kaibigan,
Buwagin ang mga pinto!
Hugasan ang pag-iisip, at labhan ang mga damit!
Mga kaibigan,
Subuking magbasa ng aklat,
O sumulat ng aklat,
Magtanim ng mga liham, granada, ubas,
Maglayag sa mga bansang maulop at maniyebe!
Walang nakakikilala sa inyo sa labas ng lungga.
Akala ng mga tao roon, kayo ay mga lobo.

XIV
Manhid ang ating balát sa mga pakikiramdam,
Nagrereklamo ang ating diwa sa pagkabangkarote,
Ang mga araw natin ay umiinog sa mga pagdalaw,
Paglalaro ng ahedres, at nakasanayang siyesta.

XV
Tayo ba “ang pinakamahusay na bansang nilikha”?
Ang mga lumigwak nating krudo sa disyerto
Ay makapagsisilbi bilang umaapoy na patalim . . .
Ngunit
Naging kahihiyan ito sa mga maharlika ng Quraish,
Naging kahihiyan ito sa timawa ng Awse at ng Nizar
Dahil ibinubuhos para yapakan ng mga aliping babae.

XVI
Nagsisitakbuhan tayo sa mga lansangan,
At ipit-ipit ng kilikili ang mga lubid.
Kay hihina nating mga karpintero!
Binabasag natin ang mga salamin at kandado.
Pumupuri tayo gaya ng mga palaka,
Sumusumpa tayo gaya ng mga palaka.
Ginagawa nating bayani ang mga unanò
At ang mga duwag ng mga Maharlika.
Nagtitindig tayo ng mga bayaning balyan . . .
Mga tambay,
Tayo’y umuupo sa loob ng mga masjid
Bumabása ng mga berso, o kumakatha ng kawikaan
At namamalimos ng tagumpay laban sa kaaway
Mula sa kamay ng Maykapal.

XVII
Kung sinuman ang magbibigay sa akin ng pahintulot—
Kung makakapanayam ko lamang ang Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: O panginoong Sultan,
Ang mababalasik mong aso’y pinunit ang damit ko.
Ang mga ahente mo’y malimit nakabuntot sa akin,
Nasa likuran ko ang kanilang mga mata,
Nasa likuran ko ang kanilang mga ilong,
Nasa likuran ko ang kanilang mga paa.
Tulad ng hindi matatakasang kapalaran,
Binubugbog nila sa tanong ang aking asawa,
At itinatala sa kanilang mga aklat
Ang mga pangalan ng aking mga kaibigan.

O panginoong Sultan,
Dahil dumulog ako sa mga piping pader ng iyong lungsod—
Dahil sinikap kong ibunyag ang pighati at ang kagipitan—
Pinagpapalo ako ng sapatos.
Pinilit ako ng mga kawal mong kainin ang aking sapatos!

XVIII
O panginoon,
Ang aking panginoong Sultan,
Dalawang ulit kang nabigo sa digmaan
Dahil walang dila ang kalahati ng buong sambayanan.
Ano ang silbi ng mga tao na wala namang dila?
Kalahati ng populasyon ng mga mamamayan
Ay sinusukol na gaya ng mga langgam at daga
Sa intramuros.
Kung pahihitulutan ako ng sinuman para makaraan
Sa mga kawal ng Sultan,
Sasabihin ko sa kaniya: Dalawang ulit kang bigo sa digmaan
Dahil bumukod ka nang malayo sa bawat kondisyon ng tao.

XIX
Kailangan natin ang napopoot na salinlahi.
Kailangan natin ang salinlahing lumilinang ng panganorin
At hinuhukay ang kasaysayan mula sa pinag-ugatan nito,
Hinahalukay ang kaisipan mula sa kailaliman—
Kailangan natin ang susunod na salinlahi
Na may naiibang tabas ng katangian
Na hindi nagpapalusot ng mga mali, hindi nagpapatawad,
Hindi yumuyukod
At hindi natututong magsinungaling.
Kailangan natin ang dambuhalang
Salinlahi
Ng mga paglisan.

XX
Mga anak,
Mulang Atlantiko hanggang Karagatang Indiyo,
Kayo ang lungtiang trigo:
Kayo ang salinlahi na lalagot sa mga tanikala,
Ang magwawakas nang lubos sa opyo sa mga utak
At papaslang sa mga ilusyon.
Mga anak, mga inosente pa kayo
At gaya ng hamog ay dalisay.
Huwag basahin ang hinggil sa aming bigong salinlahi.
Mga anak,
Bigo kami . . . walang saysay tulad ng butong pakwan,
Nabubulok gaya ng lumang sapatos.
Huwag basahin ang aming mga balita,
Huwag sambahin ang aming mga monumento,
Huwag tanggapin ang aming mga diwain.
Kami ang salinlahi ng trangkaso, sipilis,
At tuberkulosis.
Kami ang salinlahi ng mga impostor, mananayaw
Sa mga lubid.
Mga anak!
Ulan sa tagsibol, mga sibol ng pag-asa!
Kayo ang malulusog na butil sa aming tigang na búhay,
Ang salinlahing lulupig sa aming pagkalupig!

(1967)

Ang Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Panauhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Namamalirong ang tulay sa mga sasakyan; at ang bus na sinasakyan mo patungo sa aking guniguni ay nagkukubli ng mga pakò tinik niknik. Magtitinikling ang iyong tinig palabas, ala-Amy Winehouse, at ang ilaw ng paningin mo’y nakaligta ng pasintabi kung magsiyasat sa dalom ng mga budhi. Kanan, wala. Gitna, wala. Kaliwa, wala. Wala o Itim. Pakiramdam mo’y may talulot ng yelo ang pagkainip, at simbigat ng adwana ang maletang hila-hila. Bakit ibig mong marating ang karimlan, gayong makaiindak o makalalakad sa liwanag? Hindi lahat ay makapapasok dito, lalo kung ang haraya mo’y hindi kayang tumbasan ang kombinasyon ng mga titik sa makinilya. Nangangarap ka ng kakatwang abentura, subalit mahuhubad mo ba ang anino sa hulagway upang humarap sa akin nang buong tapang kahit nangangatal sa lamig? Kumain, sumiping, humimbing sapagkat búkas ay laós na ang palaisipan!  Wala ritong purgatoryo para sa mga kaluluwang ligaw: mga kulang-palad na naghihintay ng regalong putomaya at salubong ng bandang kawayan. Ang mga linnawa sa lansangan ang lumilikha ng kani-kanilang sariling kadungayan. At ang kadungayan ay laberinto na ang bawat síko ay may sanlibong halimaw, at ang tatluhang sihà ng pagbagtas ay mapa tungo sa pulút o kalansay. Tandaan mo iyan, bago ka pumasok sa akin. Kung isa ka sa mga paslit na ang estetikong panlasa ay búl-ul na tumagay ng tapëy at pumulá ang labì sa sintetikong ngangà, hindi ka para sa akin. Humayo ka, at walang trubador na maghahatid sa iyo tungong Paraiso! Gayunman ay papalarin kang sambahin nang paiwaráng ng mga banyaga—na ang turing sa daigdig ay eksotiko peligroso sentimental—sakali’t makumbinsi mo sila na palakpakan ang mga salita.

Kinseng Mata sa Tubig, ni Roberto T. Añonuevo

Kinseng Mata sa Tubig

Tula ni Roberto T. Añonuevo

1
Nabubuo ang langit
Sa tubig,
At isisilang ang anyo
Sa tubig,
At lalago ka sa tubig,
At malulunod
Sa luwalhati ng tubig.

2
Ang tubig
ay simbigat
ng krudo
sa disyerto,
o kung hindi’y
ituturing
na katwiran
ng mga watawat
para sa digma
at libingan

para sa lahat.

3
Numerong nakalista
. . . . . . . . . . .sa tubig ang boto
. . . . . . . . . . . . . .mula sa bagong poso,
ani matandang politiko.

At naniwala ka naman sa El Niño.

4
Ulan sa paningin ito—
nakalilinis
ng alikabok
ng utang at pagkatao.

Saka mo ibubulong:
Pakyu.

5
Tapayan ng milagro,
malalasing mo
ang libong panauhing
saksi sa kasal
ng pangako’t sumpa.

At sila’y mauuhaw
sanhi ng sumisipang
espiritu na taglay mo

at hahanapin ka muli.

6
Maliligo ang kotse,
Maliligo ang aso,
Maliligo ang hardin,
Ngunit sinisinok
Sa hangin
Ang mga lumang gripo.

7
Kapag nawala ka
sa kubeta,
magpapatayan sila
sa napkin papel dahon
o daliring umaamoy.

Itaga mo sa bato.

8
Bayarin ito at ang buwis ay binabayaran
ng dugo, sapagkat hindi sapat
ang iyong pawis. Binabayaran ang dam
at damdamin para iyo.
Binabayaran ang alkantarilya.
Binabayaran ang serbisyo’t pagawaing-bayan.
Binayaran ang tagas at ligwak at sayang.

At hindi manghihinayang sa iyo
Silang kumikita
at pumipiga ng pasensiya at pagtitipid.

9
Anak ng tubig,
ang bathala mo ay isa nang planeta,
o resort
o gitarista
na humihimig sa konsiyerto ng protesta.

Ngunit nasaan ka,
at napupuyat ang mga dram at timba?

10
Ano ang silbi ng kape
kung walang tubig?

Kailangang magdiyeta,
at iresiklo ang ihi o asin.

Sabihin ito sa Pangulo,
at sasagutin ka niya:

$%!*+0^@&#=$+@ mo!

11
Kung walang tubig,
ano ang pakukuluan?

. . . . .a. Ilog Pasig
. . . . .b. Lawa Laguna
. . . . .c. Look Maynila
. . . . .d. Ewan

12
Maghugas ng kamay
ay imposible
kung walang tubig.

Gayunman, may gatas
at pulut
at alak
at pabango
ang tunay
na may kapangyarihan.

Mali po ba,
mahal naming Senador?

13
Hindi dilaw
hindi pula
hindi berde
hindi bughaw
hindi kahel
hindi bahaghari
ang kulay
ng himagsikan.

Basahin
ang pahiwatig
sa tubig,
kung mayroon
mang tubig.

O maghintay
ng superbagyo

ng mga kamao.

14
Kung bakit gusto mong
magsuwiming
sa balong malalim
ay hindi isang guniguni.

Ang isang Juan
ay magiging sandaan,
at ang sandaan
ay magiging sanlibo
at ang sanlibo
ay magiging milyon
at ang milyon
ay magiging milyon-
milyong pangalang
sawang-sawa na
sa banta
na walang sungay
at latay.

Tumatambak
ang labada araw-araw,
ngunit ang politiko’y
naghihintay
ng resulta
ng sarbey
na maiilap ang patak.

15
Amin ka, ngunit hindi ka
aamin
na amin ka—

para ka sa lahat.

Amin ka, ngunit hindi ka
aamin
na amin ka
alinsunod sa nasasaad
sa kontrata at batas.

At itatanong mo:
Bathala ba kayo
na lumikha sa akin
at marunong umiyak?

Ang Puwesto sa Kalooban, ni Papa Juan Pablo II

Salin ng “The Place Within,” ni Papa Juan Pablo II (Karol Wojtyla)
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Puwesto sa Kalooban

. . . . . . .Nasa iyo ang aking puwesto, ang iyong puwesto ay nasa akin. Ngunit ito ang puwesto ng lahat ng tao. At hindi ako napabababà nila sa puwestong ito. Nakahihigit ako nang mag-isa—nakahihigit kung wala nang iba pa—nag-iisa ang katauhan. Gayundin, ako ay napararami nila sa Krus na nakatindig sa lugar na ito. Ang pagpaparaming ito nang hindi nababawasan ay nananatiling misteryo: ang Krus ay sumasalungat sa agos. At doon, marami ang umuurong sa harap ng Tao.
. . . . . . .Para sa iyo—paanong naging ganap ang Krus?
. . . . . . .Ngayon, hayaang maglakad tayo sa makikitid na baitang na tila ba tunel na naglalagos sa dingding. Silang naglakad sa dahilig ay huminto sa pook na kinaroroonan ng láha. Hinirang ang iyong katawan at isinilid sa libingan. Sa pamamagitan ng iyong katawan ay nagkaroon ka ng lugar sa mundo, ang papalabas na pook ng katawan na ipinagpalit mo para sa pook sa kalooban, at nagwika: “Kunin ninyong lahat ito at kainin.”
. . . . . . .Ang radyasyon ng gayong lugar sa kalooban ay kaugnay ng lahat ng papalabas na pook sa Mundo na dinaluhan ko sa peregrinasyon. Pinili mo ang lugar na ito ilang siglo na ang nakalilipas—ang pook na ibinigay mo ang iyong sarili at tinanggap ako.

Ang kaniyang matatabang hita, ni Pablo Picasso

Salin ng “Ses grosses cuisses,” ni Pablo Picasso ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang kaniyang matatabang hita

Ang kaniyang matatabang hita
Ang kaniyang malalaking súso
Ang kaniyang mga balakang
Ang kaniyang mga puwit
Ang kaniyang mga bisig
Ang kaniyang mga binti
Ang kaniyang mga kamay
Ang kaniyang mga mata
Ang kaniyang mga pisngi
Ang kaniyang buhok
Ang kaniyang ilong
Ang kaniyang leeg
Ang kaniyang mga luha

ang mga planeta ang malapad na kortinang itinabing at ang aninag na langit
na nakatago sa likod ng rehas—
ang tinghoy at mga kampanilya ng mga kanaryo ang tamis sa pagitan
ng mga igos—
ang mangkok ng gatas ng mga balahibong hiniklat sa bawat tawang naghuhubad
ang lastag na nagbabawas ng bigat ng mga sandatang inagaw sa mga bulaklak
ng hardin

ang laksang laro ng mga bangkay na nakabitin sa mga sanga ng bakuran
ng paaralang pinutungan ng sinag ng mga awit
ang lawa na pang-akit ng dugo at ng mga tinik
ang mga gumamelang nilalaro sa dais
ang mga karayom ng likidong anino at pumpon ng kristal na lumot
na naglalantad ng indak sa sayaw ng mga kulay
na naghalo-halo sa ilalim ng basong ibinuhos nang lubos
sa lilang maskara na binihisan ng ulan

Renobasyon, ni Edwin Thumboo

Salin ng “Renovation,” ni Edwin Thumboo ng Singapore
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Renobasyon

Ibig kong damhin ang dalisay na hanging
pinakislap ng mga aninong nagsasalaysay
sa piling ng mga aguhong kumunat sa asin.

Ibig kong makita ang kalawanging banug
na matatag, marikit, nakamamatay
at binubuksan ang walang-malay na langit.

Ibig kong marinig ang nagsasangang dila
mula sa lumalargang ikid ng katawang
hanap ang malilibog na kuliglig sa luad.

Ibig kong hipuin ang bughaw na ulop
na nagpapadilim sa Karimon, at abutin
ang kalág na tagaytay na tila mahiwaga.

Ibig kong lasahan ang askad ng patani
mula sa bumaluktot na balát ng buto
upang itago ang nayon sa aking bibig.

Ibig ko ang ganitong limang pagsisimula.

Wala sa Loob, ni Naomi Shihab Nye

Salin ng “Missing It,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wala sa Loob

Noong tinedyer ako, nagbiyahe ang pamilya ko nang ilang daang milya mulang Texas hanggang Grand Canyon, huminto sa maliliit na motel at kainan sa Route 66, para bumili ng tsaa at lemonadang nasa malalaking baso na makapagpapasigla. Para sa akin, dapat na nagbasá na lamang kami ng mga aklat-patnubay hinggil sa Grand Canyon sa loob ng kotse, ngunit nagbasá yata kami ng mga nobela, diyaryo, at magasin, at si Nanay ay patuloy sa pagsagot sa mga palaisipang krosword, at malimit tanungin kami hinggil sa mga esoterikong tatluhang-titik. Sa himpilan sa gilid ng lansangan, isang putakti ang kumagat sa leeg ng kapatid kong lalaki. Aniya’y bubuyog iyon, ngunit ang nakita ko’y PUTAKTI. Namagâ ang leeg niya. Nabahalà ang mga magulang namin. Hindi pa siya nakarating sa langit, gayunman, gaya noong minsang kagatin ako sa leeg ng PUTAKTI. Nang sumapit kami sa aming destinayon, namalayan kong nakayakap ako sa malambot, mamasâ-masâng unan doon sa likod ng sasakyan at nananakit ang ulo. Niyugyog ako ni Tatay, at pinabangon para sumilip at tumanaw, at sa isang saglit ay hindi ko matandaan kung nasaan kami at kung bakit naroon. Mahilo-hilo ako sa alimpungat at gusót ang mga damit. Pasuray-suray akong naglakad sa gilid ng Great View at napansin ang isang lalaki doon sa ibaba na hila-hila ang nakataling rakún. Napukaw ako nito. Waring nakatingin sa nakalululang tagaytay ang rakún, na nakangusò. Luminga-linga ito at umamoy-amoy, umupo nang tila nag-iisip, at pinagdaop ang harapang mga paa. Tahimik akong pumaling sa kanilang direksiyon. Umusal sa rakún ang lalaki, gaya ng “Nakatanaw na ba tayo nang higit na maganda pa rito, kaibigan?” At tumingala ang rakún sa kaniya at ngumiti. Lumikot marahil ang guniguni ko mula sa pangingirot ng ulo. Kumaway ako sa aking pamilya para samahan ako sa kinalulugaran, ngunit lumipat sila ng puwesto, tungo sa higit na magandang anggulo sa pagitan ng mga punongkahoy. Narinig ko ang sigaw ng aking nanay, “Ang lalim! Anung lawak!” Subalit marami akong tanong na ibig ipukol sa lalaki, gaya ng “Gaano na kayo katagal magkasáma, saan mo siya nakuha, naiisip mo bang ibalik siya sa kaniyang lipi, ngumiti ba talaga siya,” atbp. Napatitig na lámang ako tungo sa pagmumuni sa malayo. Hindi magandang sirain pa ang tagpo. Pagkaraan, habang nagmamaneho pauwi, nagtatalo ang pamilya ko kung dapat na lumusong sa tagaytay sakay ng asno o hindi, kung dapat bang bumisita sa higit na maraming magandang tanawin o maglakad nang may patnubay, kung dapat na nagtagal kami sa pamamasyal, humanap ng motel na matutuluyan, at kung ano-ano pa. Nabatid kong ni hindi ko napansin ang mga saráy ng bato, o ang buong lawak ng Grand Canyon. Nakita ko lámang ang rakún.

Hinaing at Ulan

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vidyā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hinaing

Kay palad ninyo, mga kaibigan!
Malaya ninyong napag-uusapan ang nangyayari sa piling ng kasintahan:
ang harutang parang paslit, ang halakhak at lambingan, ang kasiyahang
tila paikot-ikot.
Samantalang ako, kapag kinalas ng aking irog ang sarí ko, sumpa man,
ako’y nakalilimot.

 

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Yogeśvara ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag Umuulan

Umaapaw ang ilog na nagpapaligaya sa aking puso: sa taas ng tubuhán
ay nahihimbing ang ahas; sumisiyap ang itik; nananawagan ang gansa;
nagbubuhol ang kawan ng mga usa; ang makakapal na damong-ligaw
ay lumalaylay sa agos ng mga langgam; at ang ilahas na ibon ng gubat
ay lasing na lasing sa kaluguran.

Ang Bata, ni Vladimír Holan

Salin ng “Dítě,” ni Vladimír Holan ng Czech Republic
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bata

Nakadait sa rabaw ng riles ang tainga ng bata
at pinakikinggan ang dagundong ng tren. . .
Nahatak ng mala-anitong musika,
siya’y ano’t walang kapaki-pakialam
kung paparating o papaalis ang tren.
Ngunit malimit asahan mo ang kung sino,
na palaging iiwan nang sadya ang isang tao,
hanggang makita ang sarili at wala saanman.  .  .  .

Ang Usapan, ni Vladimir Burich

Salin ng “The Dialogue” (Диалог) ni Vladimir Burich ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Usapan

“Saan ninyo nakuha ang mga bangkay?”
“Natagpuan namin sila sa tubigan.”

“Ano ang ginagawa ninyo rito?”
“Nagtatanim kami ng mga minang buto.”

“Ano ang itinatago ninyo sa bunganga?”
“Mga salita.”

“Paalis na ba kayó?”
“Hinihintay kami ng lihim na hukbó.”