Sinaing ni Nanay, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Gian bếp của mẹ,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sinaing ni Nanay

Minamasdan ko noong aking kabataan ang ina ko,
na masigasig sa kusina na yari sa dayami at putik.
Kinukuha niya ang tsapistik at pinaiikid ang liwanag
sa kaldero ng sumusubóng sinaing,
habang ang halimuyak ng bagong ani’y
naninikit sa suot niyang damit kapag yumuyukod
siya’t ginagatungan ng patpat ang gutóm na apoy.
Ibig kong lumapit at tumulong, ngunit ang pagiging
bata ko’y nagpapaurong sa akin sa madilim na sulok
na matatanaw ko roon ang mukha ng aking ina,
matuto sa kariktan kung paano magningning sa hirap,
at kung paano magsaing ang mauling niyang kamay.

Noong araw na iyon, doon sa loob ng aming kusina,
nakita ko kung paanong isinasaayos ang kaganapan
sa pamamagitan ng maiitim na kawali at palayok,
at ng nahuhukot na likod ng aking ina, na napakapayat,
na maglalaho kung sakali’t ako’y umiyak, o tumawag.