Salin ng “Missing It,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Wala sa Loob
Noong tinedyer ako, nagbiyahe ang pamilya ko nang ilang daang milya mulang Texas hanggang Grand Canyon, huminto sa maliliit na motel at kainan sa Route 66, para bumili ng tsaa at lemonadang nasa malalaking baso na makapagpapasigla. Para sa akin, dapat na nagbasá na lamang kami ng mga aklat-patnubay hinggil sa Grand Canyon sa loob ng kotse, ngunit nagbasá yata kami ng mga nobela, diyaryo, at magasin, at si Nanay ay patuloy sa pagsagot sa mga palaisipang krosword, at malimit tanungin kami hinggil sa mga esoterikong tatluhang-titik. Sa himpilan sa gilid ng lansangan, isang putakti ang kumagat sa leeg ng kapatid kong lalaki. Aniya’y bubuyog iyon, ngunit ang nakita ko’y PUTAKTI. Namagâ ang leeg niya. Nabahalà ang mga magulang namin. Hindi pa siya nakarating sa langit, gayunman, gaya noong minsang kagatin ako sa leeg ng PUTAKTI. Nang sumapit kami sa aming destinayon, namalayan kong nakayakap ako sa malambot, mamasâ-masâng unan doon sa likod ng sasakyan at nananakit ang ulo. Niyugyog ako ni Tatay, at pinabangon para sumilip at tumanaw, at sa isang saglit ay hindi ko matandaan kung nasaan kami at kung bakit naroon. Mahilo-hilo ako sa alimpungat at gusót ang mga damit. Pasuray-suray akong naglakad sa gilid ng Great View at napansin ang isang lalaki doon sa ibaba na hila-hila ang nakataling rakún. Napukaw ako nito. Waring nakatingin sa nakalululang tagaytay ang rakún, na nakangusò. Luminga-linga ito at umamoy-amoy, umupo nang tila nag-iisip, at pinagdaop ang harapang mga paa. Tahimik akong pumaling sa kanilang direksiyon. Umusal sa rakún ang lalaki, gaya ng “Nakatanaw na ba tayo nang higit na maganda pa rito, kaibigan?” At tumingala ang rakún sa kaniya at ngumiti. Lumikot marahil ang guniguni ko mula sa pangingirot ng ulo. Kumaway ako sa aking pamilya para samahan ako sa kinalulugaran, ngunit lumipat sila ng puwesto, tungo sa higit na magandang anggulo sa pagitan ng mga punongkahoy. Narinig ko ang sigaw ng aking nanay, “Ang lalim! Anung lawak!” Subalit marami akong tanong na ibig ipukol sa lalaki, gaya ng “Gaano na kayo katagal magkasáma, saan mo siya nakuha, naiisip mo bang ibalik siya sa kaniyang lipi, ngumiti ba talaga siya,” atbp. Napatitig na lámang ako tungo sa pagmumuni sa malayo. Hindi magandang sirain pa ang tagpo. Pagkaraan, habang nagmamaneho pauwi, nagtatalo ang pamilya ko kung dapat na lumusong sa tagaytay sakay ng asno o hindi, kung dapat bang bumisita sa higit na maraming magandang tanawin o maglakad nang may patnubay, kung dapat na nagtagal kami sa pamamasyal, humanap ng motel na matutuluyan, at kung ano-ano pa. Nabatid kong ni hindi ko napansin ang mga saráy ng bato, o ang buong lawak ng Grand Canyon. Nakita ko lámang ang rakún.