Wala sa Loob, ni Naomi Shihab Nye

Salin ng “Missing It,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wala sa Loob

Noong tinedyer ako, nagbiyahe ang pamilya ko nang ilang daang milya mulang Texas hanggang Grand Canyon, huminto sa maliliit na motel at kainan sa Route 66, para bumili ng tsaa at lemonadang nasa malalaking baso na makapagpapasigla. Para sa akin, dapat na nagbasá na lamang kami ng mga aklat-patnubay hinggil sa Grand Canyon sa loob ng kotse, ngunit nagbasá yata kami ng mga nobela, diyaryo, at magasin, at si Nanay ay patuloy sa pagsagot sa mga palaisipang krosword, at malimit tanungin kami hinggil sa mga esoterikong tatluhang-titik. Sa himpilan sa gilid ng lansangan, isang putakti ang kumagat sa leeg ng kapatid kong lalaki. Aniya’y bubuyog iyon, ngunit ang nakita ko’y PUTAKTI. Namagâ ang leeg niya. Nabahalà ang mga magulang namin. Hindi pa siya nakarating sa langit, gayunman, gaya noong minsang kagatin ako sa leeg ng PUTAKTI. Nang sumapit kami sa aming destinayon, namalayan kong nakayakap ako sa malambot, mamasâ-masâng unan doon sa likod ng sasakyan at nananakit ang ulo. Niyugyog ako ni Tatay, at pinabangon para sumilip at tumanaw, at sa isang saglit ay hindi ko matandaan kung nasaan kami at kung bakit naroon. Mahilo-hilo ako sa alimpungat at gusót ang mga damit. Pasuray-suray akong naglakad sa gilid ng Great View at napansin ang isang lalaki doon sa ibaba na hila-hila ang nakataling rakún. Napukaw ako nito. Waring nakatingin sa nakalululang tagaytay ang rakún, na nakangusò. Luminga-linga ito at umamoy-amoy, umupo nang tila nag-iisip, at pinagdaop ang harapang mga paa. Tahimik akong pumaling sa kanilang direksiyon. Umusal sa rakún ang lalaki, gaya ng “Nakatanaw na ba tayo nang higit na maganda pa rito, kaibigan?” At tumingala ang rakún sa kaniya at ngumiti. Lumikot marahil ang guniguni ko mula sa pangingirot ng ulo. Kumaway ako sa aking pamilya para samahan ako sa kinalulugaran, ngunit lumipat sila ng puwesto, tungo sa higit na magandang anggulo sa pagitan ng mga punongkahoy. Narinig ko ang sigaw ng aking nanay, “Ang lalim! Anung lawak!” Subalit marami akong tanong na ibig ipukol sa lalaki, gaya ng “Gaano na kayo katagal magkasáma, saan mo siya nakuha, naiisip mo bang ibalik siya sa kaniyang lipi, ngumiti ba talaga siya,” atbp. Napatitig na lámang ako tungo sa pagmumuni sa malayo. Hindi magandang sirain pa ang tagpo. Pagkaraan, habang nagmamaneho pauwi, nagtatalo ang pamilya ko kung dapat na lumusong sa tagaytay sakay ng asno o hindi, kung dapat bang bumisita sa higit na maraming magandang tanawin o maglakad nang may patnubay, kung dapat na nagtagal kami sa pamamasyal, humanap ng motel na matutuluyan, at kung ano-ano pa. Nabatid kong ni hindi ko napansin ang mga saráy ng bato, o ang buong lawak ng Grand Canyon. Nakita ko lámang ang rakún.

2 thoughts on “Wala sa Loob, ni Naomi Shihab Nye

  1. Madaling Salamat po. Muli, naeengganyo ako ng buhayin ang libog sa paghabi ng tula na naulila nang maging peryodista. Nais ko batiin ng bunong-brasong tagay ng nagmumurang erbi si pareko Koyang Lamberto E. Antonio sa panalo niya uli sa Gantimpalang Palanca. Sayang at napakalungkot ang pag-uwi sa akin — nagtaksil ang pagkakataon sa pag-alis ni katagay pareng Ariel Dim Borlongan. Usapan namin ay lalasingin namin si Kitang Labeng sa Cabiao: ngayon kalasingan no pareng Ariel at mga kerubin. Kumusta po si national artist Berlin Almario at mga dating katropa. Mabuhay po at muli, Salamuch po.

    Like

    • Ikinalulugod ko ang iyong pagdalaw dito, at nakapanghihinayang na hindi man lang tayo nakipagtagayan sa mga anghel kasama ang mga bigating sina Koyang Bert at Ariel. Wala na akong balita kay Rio, ngunit makatitiyak na siya ay nasa mabuting lugar.

      Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.