Kinseng Mata sa Tubig
Tula ni Roberto T. Añonuevo
1
Nabubuo ang langit
Sa tubig,
At isisilang ang anyo
Sa tubig,
At lalago ka sa tubig,
At malulunod
Sa luwalhati ng tubig.
2
Ang tubig
ay simbigat
ng krudo
sa disyerto,
o kung hindi’y
ituturing
na katwiran
ng mga watawat
para sa digma
at libingan
para sa lahat.
3
Numerong nakalista
. . . . . . . . . . .sa tubig ang boto
. . . . . . . . . . . . . .mula sa bagong poso,
ani matandang politiko.
At naniwala ka naman sa El Niño.
4
Ulan sa paningin ito—
nakalilinis
ng alikabok
ng utang at pagkatao.
Saka mo ibubulong:
Pakyu.
5
Tapayan ng milagro,
malalasing mo
ang libong panauhing
saksi sa kasal
ng pangako’t sumpa.
At sila’y mauuhaw
sanhi ng sumisipang
espiritu na taglay mo
at hahanapin ka muli.
6
Maliligo ang kotse,
Maliligo ang aso,
Maliligo ang hardin,
Ngunit sinisinok
Sa hangin
Ang mga lumang gripo.
7
Kapag nawala ka
sa kubeta,
magpapatayan sila
sa napkin papel dahon
o daliring umaamoy.
Itaga mo sa bato.
8
Bayarin ito at ang buwis ay binabayaran
ng dugo, sapagkat hindi sapat
ang iyong pawis. Binabayaran ang dam
at damdamin para iyo.
Binabayaran ang alkantarilya.
Binabayaran ang serbisyo’t pagawaing-bayan.
Binayaran ang tagas at ligwak at sayang.
At hindi manghihinayang sa iyo
Silang kumikita
at pumipiga ng pasensiya at pagtitipid.
9
Anak ng tubig,
ang bathala mo ay isa nang planeta,
o resort
o gitarista
na humihimig sa konsiyerto ng protesta.
Ngunit nasaan ka,
at napupuyat ang mga dram at timba?
10
Ano ang silbi ng kape
kung walang tubig?
Kailangang magdiyeta,
at iresiklo ang ihi o asin.
Sabihin ito sa Pangulo,
at sasagutin ka niya:
$%!*+0^@&#=$+@ mo!
11
Kung walang tubig,
ano ang pakukuluan?
. . . . .a. Ilog Pasig
. . . . .b. Lawa Laguna
. . . . .c. Look Maynila
. . . . .d. Ewan
12
Maghugas ng kamay
ay imposible
kung walang tubig.
Gayunman, may gatas
at pulut
at alak
at pabango
ang tunay
na may kapangyarihan.
Mali po ba,
mahal naming Senador?
13
Hindi dilaw
hindi pula
hindi berde
hindi bughaw
hindi kahel
hindi bahaghari
ang kulay
ng himagsikan.
Basahin
ang pahiwatig
sa tubig,
kung mayroon
mang tubig.
O maghintay
ng superbagyo
ng mga kamao.
14
Kung bakit gusto mong
magsuwiming
sa balong malalim
ay hindi isang guniguni.
Ang isang Juan
ay magiging sandaan,
at ang sandaan
ay magiging sanlibo
at ang sanlibo
ay magiging milyon
at ang milyon
ay magiging milyon-
milyong pangalang
sawang-sawa na
sa banta
na walang sungay
at latay.
Tumatambak
ang labada araw-araw,
ngunit ang politiko’y
naghihintay
ng resulta
ng sarbey
na maiilap ang patak.
15
Amin ka, ngunit hindi ka
aamin
na amin ka—
para ka sa lahat.
Amin ka, ngunit hindi ka
aamin
na amin ka
alinsunod sa nasasaad
sa kontrata at batas.
At itatanong mo:
Bathala ba kayo
na lumikha sa akin
at marunong umiyak?