Ang Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Panauhin

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Namamalirong ang tulay sa mga sasakyan; at ang bus na sinasakyan mo patungo sa aking guniguni ay nagkukubli ng mga pakò tinik niknik. Magtitinikling ang iyong tinig palabas, ala-Amy Winehouse, at ang ilaw ng paningin mo’y nakaligta ng pasintabi kung magsiyasat sa dalom ng mga budhi. Kanan, wala. Gitna, wala. Kaliwa, wala. Wala o Itim. Pakiramdam mo’y may talulot ng yelo ang pagkainip, at simbigat ng adwana ang maletang hila-hila. Bakit ibig mong marating ang karimlan, gayong makaiindak o makalalakad sa liwanag? Hindi lahat ay makapapasok dito, lalo kung ang haraya mo’y hindi kayang tumbasan ang kombinasyon ng mga titik sa makinilya. Nangangarap ka ng kakatwang abentura, subalit mahuhubad mo ba ang anino sa hulagway upang humarap sa akin nang buong tapang kahit nangangatal sa lamig? Kumain, sumiping, humimbing sapagkat búkas ay laós na ang palaisipan!  Wala ritong purgatoryo para sa mga kaluluwang ligaw: mga kulang-palad na naghihintay ng regalong putomaya at salubong ng bandang kawayan. Ang mga linnawa sa lansangan ang lumilikha ng kani-kanilang sariling kadungayan. At ang kadungayan ay laberinto na ang bawat síko ay may sanlibong halimaw, at ang tatluhang sihà ng pagbagtas ay mapa tungo sa pulút o kalansay. Tandaan mo iyan, bago ka pumasok sa akin. Kung isa ka sa mga paslit na ang estetikong panlasa ay búl-ul na tumagay ng tapëy at pumulá ang labì sa sintetikong ngangà, hindi ka para sa akin. Humayo ka, at walang trubador na maghahatid sa iyo tungong Paraiso! Gayunman ay papalarin kang sambahin nang paiwaráng ng mga banyaga—na ang turing sa daigdig ay eksotiko peligroso sentimental—sakali’t makumbinsi mo sila na palakpakan ang mga salita.