Salin ng “The Women I Loved,” ni Soonest .I. Nathaniel ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mga Babaeng Minahal Ko
Ang una’y ang maitim na babae
Na malimit umupo gaya ng lalaki,
At hindi natatakot na bumukaka
Kahit ano pa ang masilip ng mundo.
At madalas niyang sabihin,
“Hayaang saksihan nila
Na ang babaeng ito’y biniyayaan
Ng ga-elepanteng bayag.”
Ang ikalawa, ang tagalalá ng basket
Sa Cameroon.
Imbes na gumamit ng mga arayan
Ay pipiliin ang mga bulbol ng binata,
At kapalit ng badili’y mga pilik nila.
Ang mga kalamitmit sa kaniyang basket
Ay balbas at bigote ng mga lalaki.
Iniimbak niya sa kaniyang sinapupunan
Ang mga serbesa, butil, at bungo
Ng mga pugot na pangarap.
Ang ikatlo, ang asawa ng ama ko,
Na nagsabing ang mga pangungusap
Ng kaniyang búhay ay nakaliligta sa tuldok,
Dahil sinipsip ng malibog ang mga utong
Bago pa magpalaki ng hayop.
Malimit niyang kandungin ako’t paduraan
Sa mga kobra ang aking mga mata,
At aniya, “Nakikita ng bulag ang mahusay,
At di kailangan ang uten para makabuntis.”
May ikaapat, ang matabang Indian.
Alam niya kung paano patayuin ang lubid,
At kayang gawing alak ang tubig,
At gaya ng tunay na anak ng Babel,
Naniniwala siya sa pagsuway sa mga batas.
Noong malanta ang palayan sa aming bayan,
Humabi siya ng seda’t tumanggi sa bitag na pulut.
Iniwan ko ang buhok sa kaniyang kandungang
Kinain ko nang may halong gatas.
Ang puta ng propeta’y pinepeke ang orgasmo,
At hindi ilalayo ang anak sa kaniyang súso,
At hindi hahayaang malaglag ang mga supling.
Pananatilihin niyang siksik ang mga suso
Para tupdin ang tawag ng mga babaero.
Ngunit ang nabigong gawin ng dila ng sanggol
Ay tinupad ng panahon.
Nilamas nito ang mga suso hanggang lumaylay,
At ang kay libog na lalaking gumatas dito
Ay naghanap ng sariwang suso sa Sarajevo.
Pagkaraan, bumaling ako sa aking kapatid
Ngunit wala siyang dibdib.
At wala akong iba pang nagawa
Noong araw na pag-usapan siya at ibinigay
Sa lalaking ang tanging isinusuot ay palda.
Mahal ko rin ang tiya ko,
Na hindi ipinagmamalaki ang pag-ihi sa pader.
Sa ganitong panahon ay natuto akong maghanap
Sa ibang lugar, at mamuhay doon nang taglay
Ang mga pilat ng liwanag.
