Salin ng tula ni Faiz Ahmad Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Gabi
Tila templo ang bawat punongkahoy:
Abandonado, liblib na sinaunang templo,
Naghahanap ng katwiran para gumuho,
humapay ang edipisyo’t uga ang mga pinto.
Waring asetikong pari ang kalangitan:
Abuhin ang lawas, may pulang guhit sa noo,
Nakaupo nang yukod nang napakatagal.
Madarama ang mangkukulam kung saan:
Binarang niya ang kalangitan sa paligid,
At tinahi ang panahon sa kandungan ng gabi.
Ngayon, hindi na sasapit
ang takipsilim ni karimlan.
Hindi magwawakas ang gabi,
O sisilang ang madaling-araw.
Naghihintay ang langit na mabasag ang kulam:
Maputol ang tanikala ng katahimikan,
Lumaya sa wakas ang kandungan ng Panahon;
Na umalingawngaw ang pakakak,
Na kumalansing ang mga bitík,
Mapukaw ang diyosa mula sa pagkakahimbing,
Mapukaw ang dalaga at lambong ay hubarin.