Salin ng “Ispahan,” ni Andreas Embirikos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Lumukob sa nayon ang dumadagudog na bagyo. Sinalakay ng mga batong umaalulong ang mga gasalakót na lawa at ang napinsalang isda ay gumapang sa himpilan ng mga ermitanyo. Walang saklolong dumating doon at sumambulat ang atungal ng mga megalosawro sa magkabilang panig at ang mga kabute’y nanahimik sa mga aktuwal na pangyayaring lumulutang sa prusisyon ng kasal ng mga buntong-hininga ng kabataang planeta. Pagkaraan, hindi na muling naibalik ang dati. Nabigong umiral ang kapanatagan bilang tunay na entidad. Pinigil ng mga kamelyo ang disaster. Namukadkad ang mga templo ng mga bangkay. Ilang kalapati ang nagpapagál dahil ang sápal ng lawa ay lumikha ng kanal sa pinakamakipot na yugto ng kanilang paglagos sa laksang panlilibak na niyurakan ng nababaliw na ingay ng mga ina at batang higit na mapayat sa mga kalansay ng paniki.