Salin ng “Comu tú,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Katulad mo
Katulad mo, mahal ko
ang pag-ibig, ang búhay, ang halimuyak
ng mumunting bagay, ang bughaw
na tanawin ng mga araw ng Enero.
At kumukulo ang aking dugo,
at ako’y napapahalakhak sa pamamagitan
ng mga matang batid ang búko ng mga luha.
Nananalig akong marikit pa rin ang mundo;
gaya ng tinapay, ang panulaa’y para sa lahat.
At ang mga ugat ko’y hindi magwawakas
sa akin, bagkus sa mga lingid na dugo
nilang nakikibaka para sa búhay,
pag-ibig,
mumunting bagay,
tanawin at tinapay,
ang panulaan para sa lahat ng nilalang.