Tama, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Tamà

Pumasok sa kaliwang tainga ko ang kulagu noong isang umaga, at pagdaka’y naglaho nang ilang minuto upang lumitaw muli sa aking utak. Mga pakpak nito’y naghanap ng makukulay na bulaklak sa aking guniguni na waring gutóm o gumón sa kung anong katwiran, at sumuot sa mga antigong gubat at lihim na pangamba, at di-naglaon ay pinalad naman ang tuka at nakalagok sa mahahamog na hardin ng kantutay at talampunay upang tighawin ang pananabik. Ilang sandali pa’y nag-iwan ng liham ang ibon—ang liham na nagsasalít na bulóng ng bubuyog at kawáy ng paruparo— na nakapagpapaalunignig sa puso ang kumpisal. Nang lumabas sa kanang tainga ko ang kulagu matapos ang isang oras na katumbas ng sampung taon, nakita ng sumalubong na simoy ang nakangiting anghel na umaakyat sa kaleydoskopyong bagnós, at nagwikang, “Mabuhay! Tuloy po kayo, o kasampaga!”

Kulagu

Aparisyon ng Likán Amaru, ni Bernardo Colipán

Salin ng “Aparición de Likán Amaru,” ni Bernardo Colipán ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Aparisyon ng Likán Amaru

Walang hangin na simbilis mo, anak,
o sintaas ng iyong paglipad,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .Likán.

Butil mo lámang ang araw.

Ang mga unang salita mo’y
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Buksan ako
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Mula ako sa kawalan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .Akin na ang sinulat mo.

Nasaan ka bago pa sumapit dito?

Nauna ba sa iyo ang sariling anino?

Ikaw at ako ay dalawang ugat
na nahihimbing sa milenaryong gubat.

Ako’y nasa kalooban mo.
Kayâ hinahanap kita sa hangin.
Sa kadalisayan
ng araw na nabihag sa iyong kristal.

Mga Pulgas, ni Yosef Ibn Sahl

Salin ng tula ni Yosef Ibn Sahl ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pulgas

Mga pulgas ay kabayong laksa-laksa kung lumusob—
Mga ibong dumadagit nang balát ko ay lapain;
Tila kambing kung lumundag at sumirit sa bukirin
At sa gabi’y malulupit at ni ayaw magpatulog.
Maliit man o malaki’y ni hindi ko mautakan,
At lipulin yaong peste’y ano’t lalong lumalakas—
Matatapang na sundalong sa digmaan sumasabak,
Umaalab nang mabilis kung ang tropa’y malagasan.

At bagaman tamad sila pag umaga’y hinding-hindi
Tuwing gabi’t magnanakaw kung umasta’t handang-handa;
Malimit kong kasuklaman ang kanilang ginagawa. . .
Napapagod sa pagtiris ang kamay ko at daliri.
Namumulá ang balát ko at dumami yaong galis
Ngunit hindi na mapigil ang pagsipsip na kaykati;
O Diyos ko, pawiin mo ang hirap kong tumitindi:
Pumapayat ang lawas ko’t tuwang-tuwa silang lintik!

William Blake. The Ghost of a Flea. Height: 21.5 cm (8.4″); Width: 16 cm (6.2″). Tempera on panel. 1819-1820

 

Ang Pangarap, ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni  Roberto T. Añonuevo

1.
Ang mga pangarap, kapag ipinasok sa puso, ay mag-uutos sa iyo na utusan ang iba para wikain ang salitang hindi kaniya, gaya ng pagbabanat-anino sa diyaryo at magasin, upang ikaw ay makilala.

2.
Mapanganib ang pangarap, at para itong punsô ng milyong kulisap na gumagalaw dahil sa emperatris. At ang emperatris ay hindi karaniwang kulisap, sapagkat ito ang Maykapal, ang kinakanding Langit at naglalaway sa init, ang kinabukasan ng salinlahing allid at sintamis ng minapakturang pulut.

3.
Narinig mo ba o nabása sa isang makatang intelektuwal ang lunggati, at ikaw ngayon ang di-pamilyar na talinghaga na pinapalakpakan ng mga di-nakauunawa?

4.
Iyo ang salita o iyan ang opinyon mo; at ang lahat ng bagay na labás sa iyong katawan ay pawang kasangkapan tungo sa nakababalaning tinig—o ito’y makulit na panagimpan lámang?

5.
Ang salita: para maging gusali ang pandak, para maging dibino ang buhangin, at kung papalarin, para humalimuyak ang pangalang tigmak sa imburnal. Ikaw ang panginoon ng salita, at ang Salita, pagkaraan, ang aalipin sa iyo sa ngalan ng pangarap.

6.
Importante ang paghahanap ng puwáng o lihís, at garantisado sa iyong parirala na hindi ka pahuhuli nang buháy. Ikinahon mo ang mga pangalan sa kanilang panahon, at ang panahon mo ang ipinagmagarang Panahon ng Padron at Patron. Modernisasyon, wika mo, ang panghihiram ng hagdan, ang panghihiram ng dila na humihimod sa iyong nababatong utak.

Bakit mag-iimbento ng gulong kung káyang lumipad?

Gayunman, nakukuha sa sipag at tiyaga ang lahat, lalo’t nabibigong sumirit o dumuwal ang haraya.

8.
Kumikilos ka at ang gabi ay umaga at ang umaga ay likido na iniinom sa mithing pagbabago. Isang bisyon, na katumbas ang sining ng alagad ng pambihirang pagsisinungaling at pagpapalayok. O sabihin nang matalinghagang pagsasakataga mula sa misil ng Amerikano o satelayt ng Ruso, at walang dos por dos na sagisag na sinasagisag ang maikukulong sa iyong málay.

Sa usapang lasing, ito ang kaululan.

9.
Sapagkat kasangkapan ang lahat, at ang hagdan ay libong ulo at libong balikat, isang politika na ang sukdulan ay pananaig ng mga langgam sa di-kilalang bangkay. Ngunit hindi ba ito dapat ipagpasalamat? Walang Tore ng Babel kung walang mason o kargador, at kailangan ang kalansay tungo sa ikalulusog ng sabana.

10.
Maniwala sa iyo ay kay-bigat, na gumagaan sa indoktrinasyon, ngunit ang tiyanak na pasán ay langit kung ituturing na ikaw ang punongkahoy, na walang humpay sa pagtayog sa wagas na pagkatuod.

11.
Ang pangarap mo, kapag inulit-ulit, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka, ang pangarap mo, kapag inulit-ulit na sirang plaka sa mga talumpati at talambuhay, ay kakatwang nagiging pala-palapag na mawsoleo ng mga de-kahong sertipiko at kuwintas ng mga papuri.

Kahit ikaw ay maiinis sa ganitong ritwal, ang ritwal na karaniwan at nakaugalian, ngunit dahil matayog ang pangarap mo, ang pangarap mo’y yutang bantayog sa mga kontinente ng kataga.

12.
Ikaw na nasa itaas ngayon ay hindi na abstraktong pangarap bagkus iniilawang atraksiyon ng mga kulay. Na hindi mo mawari kung dapat ipagpasalamat o ipagmaktol dahil malaya ka nang iputan ng mga ibon at ihian ng palaboy o askal: Ikatwiran man nila ang tawag ng kalikasan, o ikatwiran ang makalupang pagtatanghal.

purple green and yellow round mirror

Ang Emperatris, ni Janine Pommy Vega

Salin ng “Empress,” ni Janine Pommy Vega ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperatris

Para kay R.S.

Ngayong takipsilim, mayroong
sandaling si Venus
ay nagniningning mula sa kanluran
at umaahon sa maulop na pampang
ang buwan sa silangang kabundukan
Ang musikang pinatutugtog nila
sa kasal ay umaalunignig sa pandinig

Dala-dala mo ang gayong yumi—
ang mga minutong pumipitlag, sakâ
ang naturang katapangan
sa pakikihalubilo isang hápon
habang minamasdan ang lambak sa ibaba

May higit pa sa ganitong tagpo,
isang tagumpay na hindi ko matutukoy
ang katiyakan ng hayop na naglalakad
sa gubat, naghahandog ng lahat
ng kilos nang matatag ang kariktan

Maiisip lamang ang gayong mapagparayang
tikas sa harap ng mga simoy ng pagbabago,
gawing trono ang anumang makita sa daan,
ang mapagpalang pook na matatahanan,
ang mga hayop na nagtipon sa bangan
ang tigmak na pelaheng umaasóng
sumasaksi nang may pagkabighani sa sinag
na lumiliyab sa loob ng katawang
gaya ng sa paslit.

Pakiramdam ko’y lumusong ako
sa mga sinaunang bulwagan, ni walang
kaluskos ng hakbang ang gumagambala
sa dinaraanan
bumubulusok pababa sa landas
na malimit kong ginuguni-gunita.

Ito ang bagay na nasa kalooban natin
na dinudulugan nang may maskara,
nang maisuot siya mula sa loob, maging
karapat-dapat sa gayong kaningningan,
di-nagkakamali sa piling ng mga bituin,
isuot ang kapa
na minana mula sa mga salinlahi

Ang posibilidad ng lahat
na hinipo
nang sumibol tungo sa gayong liwanag
na lumalaganap sa loob mismo
ang palaging umiiral doon bilang binhi.

Shady, NY, Nobyembre 7, 1976

Ang Unang Digmaan, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa)
ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Unang Digmaan

Ang unang digmaan ay kamukha
. . . . . .. . .  .ng magandang dalaginding
at lahat tayo’y sabik na manligaw
sa kaniya at maniwala.

Pagkaraan, unti-unti itong nagiging
kasuklam-suklam na ubaning puta
. . . . . . . . .na ang mga suki’y napopoot
at humahagulhol.

Ang Bugsók, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa)
ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bugsók

Ipagpapalit ko ang lahat sa isang bugsók
na bumabangon tuwing gabi nang taglay
ang kaniyang kudyapi at plawta,
at nang makita ang tangan kong kopa
ay biglang nagwikang,
“Inumin ang duguang bignáy sa bibig ko!”
At ang buwan, na nabiyak na pakwan
sa balabal na itim, ay iginuhit sa bulawan.

Bugsók

Wakas ng 1968, ni Eugenio Montale

Salin ng “Fine del ’68,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wakas ng 1968

Pinagnilayan ko mula sa buwan o kawangis
nito ang munting planetang nagtataglay
ng pilosopiya, teolohiya, politika,
pornograpiya, literatura, siyensiya,
lantad man o lingid. Nasa loob niyon
ang tao, na kasama ko, at kakatwa ang lahat.

Ilang oras pa’y hatinggabi na at ang taon
ay magwawakas sa pagsabog ng tapón ng alak
at ng mga paputok. O kaya’y bomba o higit pa,
ngunit hindi rito sa kinaroroonan ko. Hindi
mahalaga kung may mamatay, hangga’t walang
nakakikilala sa kaniya, hangga’t napakalayo niya.

Ang Henyo, ni Eugenio Montale

Salin ng “Il genio,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Henyo

Hindi nagwiwika, sa kasamaang-palad,
sa sarili nitong bibig ang henyo.

Nag-iiwan ng kaunting bákas ng hakbang
ang henyo, gaya ng kuneho sa niyebe.

Ang kalikasan ng henyo’y kapag huminto
ito sa paglakad, nagiging paralisado
ang lahat ng kasangkapan.

At hihinto ang mundo, maghihintay
ng kunehong makatatawid
sa malabong pagbuhos ng niyebe.

Matatag at maliksi sa angking sayaw,
hindi nito nababása ang mga markang
malaon nang naabó,
napakalalim.

Pagkaraan sa tahanan ng Baba Yaga, ni Roberto T. Añonuevo

Ang taytay na nag-uugnay sa bundok
at kastilyo
. . . . . . . . . ang tinatahak ng guniguni mo
na lumilingon para sa hinaharap,
at humaharap para muling sumulyap
sa anino at relo.

Wala ito sa aklat; nakatatak itong pilat.

Hindi nag-aaral ang simoy kung saan
iikot upang mag-iwan ng mga alabok.
Parang sirang plaka
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang lipad ng mga ibon.

Nagtatanong ba ang hangin sa ugat?
na retorika ng palusot sa palaisipan.

Samantala, nauubos ang kilay ng unggoy
upang maging hari
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . at upang maisuot
ang kamalayan ng imperyo,
. . . . . . . . . . . .o nang makahiga sa mga hiyas
kapiling ang tropeo ng mga kabalyero.

Ang taytay, gaano man kahaba, ay ulap
na iyong niyayapakan.
. . . . . . . . . .  .Maglalakad kang may bagwis
ang ulirat,
. . . . . . . . . . .  .at matatagpuan sa mga palad
ang mapa ng mga balak at tadhana,
gaya ng halimaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa kristal na tasa
o lason mula sa pinilakang tenedor.

Kung ang sibilisasyon ay naipupundar
sa mga salita,
ang mga salita mo’y kalansay at dugo,
na kusang nagtatatwa at nagtataksil
sa sarili,
lumilikha ng arkitektura ng mga elipsis,
at nasa diksiyonaryo ng mga tahimik.

Isang hakbang pa, at bubulaga sa iyo
ang walang pangalang pangarap,
ang walang pangalang kumukurap—
. . . . . . . . . . .tawagin man itong katubusan
ng payasong umiiyak.

Malalagot na ang mga lubid ng taytay.

Ngunit hindi ka lilingon, bagkus lalakad
nang lalakad,
lumulutang—wala ni kimera sa batok,
walang kausap na Baudelaire o Borges
ngunit tahimik at buo
ang loob, gaya ng simoy na sumasalpok
sa moog na bumabakod sa kalawakan:

isang librong nagwiwiski sa Bagong Taon.