Salin ng “Dang Anum,” ni Rasiah Halil ng Singapore
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Dang Anum
Dahil hindi lamang ganda ang sandata ng babae,
Inaruga’t pinalaki ka sa mga halagahang
Ibinalot sa kaugalian
At tinuruang makilala ang mali at ang tama
Nang maging kumikinang kang hiyas
Para sa iyong sambayanan.
Ang rikit ng babae ay ang kaniyang patalim;
Habang tinatanaw ng hari ang iba pang babae
Bilang kaniyang pansariling palamuti
Ay nalimot niyang ang matalinong babae
Ay isang mandirigma
Sa uniberso ng lalaki.
Hinog ang mga bunga ng paninirang puri
Sa mga hardin ng Iskandar Shah
At ang dalaga’y nagbanyuhay na hamog
Na nilapa ng sinaunang araw.
Ang di-mawaring bigat ng iyong pagkapahiya
Ay nagmartsa tungo sa gilid ng pamilihan
At nilibak ka bilang mumurahing babae
Na ibinitin sa sibat
Habang lasing sa kabulaanan ang hari.
Maririnig kaya ang pighati mo, Anum,
At mabubuksan ang tarangkahan ng lungsod
Yamang nabigong iluklok ang katarungan
Sa puso ng hari?
__________________
*Dang Anum— tanging anak ng Bendahari sa sinaunang kaharian sa Singapore