Salin ng “Lisbon,” ni Tomas Tranströmer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Lisbon
Sa himpilan ng Alfama, umaawit ang mga dilaw na trambiya
. . . . . . . .sa matatarik na dalisdis.
May dalawang bilangguan. Isa ang para sa mga magnanakaw.
Kumakaway sila sa mga rehas ng kanilang mga bintana.
Sumisigaw sila na ibig nilang makunan ng retrato.
“Ngunit dito,” ani konduktor na humahagikgik nang biyak ang loob,
“umuupo ang mga politiko.” Nakita ko ang patsada ang patsada
ang patsada at sa itaas, doon sa may bintana, ang lalaki’y
nakatayo na sumisipat sa teleskopyo at tumatanaw sa dagat.
Nakasampay ang labada sa asul. Mainit ang mga dingding.
Binása ng mga langaw ang mga mikroskopyong liham.
Anim na taon pagkaraan, tinanong ko ang babae sa Lisbon:
“Totoo ba ito, o napanaginipan ko lamang?
Alimbukad: Poetry unstoppable