Cheese Mess
Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
Naisisilid ang vayrus sa mga titik ayon sa diksiyonaryo ng kesong puti at retorika ng keso de bola; at kung ikaw ang haring kusinero ng kaisipan, ang pagbigkas ng salita ay makasasakit at makapagbibigay ng sakít sa hindi mo kauri, bukod sa sadyang peligroso sa hangal sakali’t sumubok itong magsulat. Ikaw, sampu ng iyong kaututang-dila, ang tanging makapag-aari ng mahihiwagang salita. Sandangkal na tinapay ang tama at mali na nagdaraan sa dila at ngalangala, naisip mo, at itutulak ng barakong kape sa ngalan ng paninimbang para tunawin sa bituka ng pananalig.
Ang seguridad ng republika ang mahalaga, isasahinagap mo, at waring pinaalunignig ang talinghaga ni Platon na sinurot ang kakayahan ng mga makatang nagsasabing batid nila ang tibok ng lipunan (na patutunayan ng kanilang malalanding berso), ngunit hindi naman marunong magtornilyo sa pilipisang ang memorya kung hindi man guniguni’y limitado sa paggagad sa mundo. “Bakit maniniwala sa sabi-sabi,” naglaro sa utak mong hiram wari kay Socrates, “kung ang sukdulang katotohanan ay matatagpuan sa dakilang artipisyong magmumula lámang sa Maykapal?”
Batid mong ang kontaminadong titik, kapag inihalo sa iba pang titik na sabihin nang muslak o antigo o bagong luto, ay maaaring magluwal ng salitang asintomatiko, na pagkaraan ng ilang araw ng pagkahinog ng inililihim, ay mauuwi sa salot na katumbas ng hanging sinisinghot. Sa oras na pumutok gaya ng bulkan ang mga parirala ng pagdududa, na nagiging mabalasik na tanong, ay lalantad ka sa telebisyon upang pahupain ang pangamba ng taumbayang nakalimot yatang bumulong o sumigaw alinsunod sa tulak ng pusòng de-piston.
Sa laboratoryo ng mga dalubwika, mapanganib ang maruruming salita. Ang mga salita, kapag nagtipon-tipon sa mahika ng kung sinong ulol na tagasulsol, at naging pangungusap at ang gayong pangungusap ay nanganak ng iba pang pangungusap at nagbanyuhay na talata na may angking realidad—ay ano’t nakapagdudulot ng di-mawaring dalamhati o kamatayan sa gumagamit nito. Payak ang payo sa iyo ng mga eksperto: Ipagbawal gamitin ng mga mamamayan ang kontaminadong salita, sapagkat katumbas nito ang pandaigdigang sakuna.
Na siya mong ipinatupad.
Hindi naman nagkamali ang iyong mga tagapayo. Ngunit may ilang matitigas ang ulo. Halimbawa, ang salitang kontaminado at ginamit ng kung sinong mensahero o senador ay kisapmatang yumao. Pagkaraan nito’y sunod-sunod ang mga nabubuwal sa kalye, at sumikip ang mga ospital sa mga maysakit, at walang nagawa ang maraming bansa kundi isakatuparan ang mabilisang kumbersiyon ng mga bukid para maging sementeryo. At ang pakpak ng balita sa gayong pangyayari, sa anyo man ng aklat o elektronikong pabatid, ay naghasik ng kapahamakan sa pitong kontinenteng ang lupain ay hitik sa taingang namumukadkad sa lupain.
Hawak mo ngayon ang kutsilyo at sa labis na inis ay hindi alam kung itutusok ba sa kesong puti o keso de bola. Kumakalam ang iyong sikmura, ngunit wala kang ganang kumain ng mga balita. Dudungaw ka sa iyong bintana, at makikita sa paanan ng iyong palasyo ang kumakapal na madlang hindi makapagsalita ngunit tangan ang makukulay na plakard na kung hindi nagsasayaw gaya ng payaso’y nagtatanghal ng komedyang naghahatid sa mga nasasakupan mong tumawa nang tumawa, na kasinglutong at kasinghaba ng maibibigay ni Bert Tawa. Ilang sandali pa, mayayanig ang kinatatayuan mo, at mahihilo ka na waring may tama, at iduduwal ang mga kontaminadong salita—na ipinagtataka mo kung bakit unti-unting kinakain ang iyong anino.
Alimbukad: Poetry unstoppable