Mga Panaginip sa Lambak, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Sueños en el valle” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Panaginip sa Lambak

Narito ako, inilayo sa aking yumao,
naligaw sa Lambak Banog,
nilimot ng pewén* at ng bundok.

Nakita ko sa mga panaginip ang dugong
bumalong sa aking tadyang
at ang mga ibong mandaragit
na sumupling sa aking pilipisan
at sumibasib sa mga kamay ko’t dila.

Nagpatubò ako ng ibang mga kamay
at ibang dila
upang muling lamunin lámang,
at di-naglaon, marami pang tumubò
na akin namang ikinubli
sa mga metawe.
Ngunit ang mga metawe
ay natunton din at naabot,
at ang kanilang mga labî
ay isinaboy sa buong lambak.

Kayâ bumangon ako’t nilikha muli
ang parehong mukha,
ang parehong katawan,
ang parehong nagdurusang puso.

Hindi kamatayan
ang nakasisindak sa akin ngayon
bagkus ang layo mula sa kabundukan.
Hindi ako takot sa masisibang taliba—
umaalulong ako sa apat na hangin—
bagkus sa bigong lunggating makabalik
sa mga bangin ng kabundukan.

Narito ako, sa lawas at panaginip
nitong napakailahas na lupain.

Talababa
__________
* Mula sa salitang “pehuén” na siyentipikong pangalang Araucaria Araucana (tinaguriang Monkey Puzzle Tree). Isang uri ng punongkahoy na tumutubo sa kordilyera ng Andes sa timog ng Chile. Kinukuha ng mga Pewenche (mula sa  salitang”Pehuenche” o Mapuche ng kabundukan) ang ubod na pino, na tinatawag ding “ngülliu,” na isang prutas na binubuo ng 85% arina at mataas ang porsiyento ng calcium at iron, at ang pangunahing pagkain ng mga Pewenche.

Iba’t ibang uri ng sisidlang yari sa luad, gaya ng palayok at bornay.

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.