Salin ng “Los amantes de Tlatelolco,” ni Elsa Cross ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Magsing-irog ng Tlatelolco
Para kay Teresa Franco
Halos kaaahon lámang nila mula sa anino.
Mga bulóng nila’y
. . . . . . . . . . . . . . .nagpaalsa ng banayad na hiwatig
sa paanan ng kontrapuwerte.
Kumikislap ang puting sapatos nilang pantenis.
Lumayo sa likod ng mga bato
pagdaka’y bumalikwas sa isa’t isa,
nakaligtaan nila sa kanilang mga labì
ang hiyaw ng mga masaker,
ang mga dibdib na biniyak ng lakas na obsidyana
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .o bayoneta—
hindi alintana ang aninong tumakip sa kanila,
ang kabataang magsing-irog ay nagbulungan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .o nanatiling tahimik,
habang ang gabi’y lumalaganap sa mga guho,
lumulukob sa mga haligi ng mga templo,
sa mga inskripsiyon.
At sa ibayo, naroon sa urna
ang dalawang kalansay na magkayakap
sa kanilang maalikabok na higaan,
sa ilalim ng kristal na ang mga bulaklak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na handog ay nakabilad.