Salin ng “Empress,” ni Janine Pommy Vega ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Emperatris
Para kay R.S.
Ngayong takipsilim, mayroong
sandaling si Venus
ay nagniningning mula sa kanluran
at umaahon sa maulop na pampang
ang buwan sa silangang kabundukan
Ang musikang pinatutugtog nila
sa kasal ay umaalunignig sa pandinig
Dala-dala mo ang gayong yumi—
ang mga minutong pumipitlag, sakâ
ang naturang katapangan
sa pakikihalubilo isang hápon
habang minamasdan ang lambak sa ibaba
May higit pa sa ganitong tagpo,
isang tagumpay na hindi ko matutukoy
ang katiyakan ng hayop na naglalakad
sa gubat, naghahandog ng lahat
ng kilos nang matatag ang kariktan
Maiisip lamang ang gayong mapagparayang
tikas sa harap ng mga simoy ng pagbabago,
gawing trono ang anumang makita sa daan,
ang mapagpalang pook na matatahanan,
ang mga hayop na nagtipon sa bangan
ang tigmak na pelaheng umaasóng
sumasaksi nang may pagkabighani sa sinag
na lumiliyab sa loob ng katawang
gaya ng sa paslit.
Pakiramdam ko’y lumusong ako
sa mga sinaunang bulwagan, ni walang
kaluskos ng hakbang ang gumagambala
sa dinaraanan
bumubulusok pababa sa landas
na malimit kong ginuguni-gunita.
Ito ang bagay na nasa kalooban natin
na dinudulugan nang may maskara,
nang maisuot siya mula sa loob, maging
karapat-dapat sa gayong kaningningan,
di-nagkakamali sa piling ng mga bituin,
isuot ang kapa
na minana mula sa mga salinlahi
Ang posibilidad ng lahat
na hinipo
nang sumibol tungo sa gayong liwanag
na lumalaganap sa loob mismo
ang palaging umiiral doon bilang binhi.
Shady, NY, Nobyembre 7, 1976