Pangunungkán
Roberto T. Añonuevo
I. Paghahanap
Nagugutom marahil ang mga diyos.
Nabubulabog ang ginintuang bukirin
sa laksang balang at sasambang tumatakip
sa buong liwanag ng araw.
Tinutugis ng mga gansa, itik, at bibe
ang pugad ng susô, kuhól, at linta.
Sinusundan ng anakonda ang mga bakás
at anino ng ligáw na manok at kambing.
At sa palumpong, tinitipon ng hantik
ang inugit na lamán ng isang kalabaw.
Dinadagit ng banog, banoy, at kasay-kasay
ang naglulundagang hito’t bangus sa lawa.
Humahalik sa lupa ang butiki’t nakikinig
sa pintig ng gumagalang gamugamo’t ipis.
Ilang ardilya ang manunulay sa tarundon
bago puksain ng nakaabang na bayawak?
Hinahawan ng antutubig ang kanlungan
ng biya’t langáray, at bumubuka ang bibig
ng buwaya sa nangangalisag na ilog.
Sinisinghot ng kaayaman ang mga sukal
upang mabatid ang nanlilisik na alamid.
Sinisibasib ng ilahas na putakti’t bubuyog
ang mahalimuyak na duklay at bulaklak,
at itinataboy ng anuwang ang mga kidang.
Nag-aalimpuyo ang hangin at lupa,
at nagtatagisan ang apoy at tubig.
Alumpihit sa gutom ang mga diyos ng daigdig.
II. Pagluluto
Kusina ang buong lawak ng daigdig:
Pinugot ang ulo ng munting tariktik
Ng punglo’t kutsilyo ng mga limatik.
Lumukso ang daga sa masel at dibdib.
Kinulob ng palad itong atang-atang
Bago pa ilatag sa mesa’t sangkalan;
Pigtal ang galamay ng pitong bangkalang
Upang ipanggisa sa sulak ng kalan.
Natuyo ang katas ng bayag ng baka
Paghalo sa lasa ng pigi ng usa.
Upang maiprito tulad ng gagamba,
Biniyak ang dibdib ng tulirong maya.
Nang durug-durugin ang musmos na kiti,
Nasunog ang pakpak ng mga paniki.
Dumapo ang bangaw sa pinggang napipi’t
Nabali ang buto’t kabang sa kawali.
Tinuhog ang ipis ng isang tenedor
At hinimay-himay ang igat at kuhol.
Uwak at palaka’y pinurga ng kastor
Binása ang atay ng pugateng baboy.
Nawindang yena’t binigti ang asno
Ng mga daliring mula eroplano.
Tinipon ang tungaw at sanlaksang kuto
Sa pusyaw ng mangkok at init-kaldero.
Matapos timbangin ang pugo at itlog,
Piniga’t niyugyog ang reyna ng pukyot.
Nang umaasó na ang tumpok ng uod,
Tumulo ang laway sa bibig ng diyos.
III. Pagkain
Maraming buntot ang iwinawasiwas
. . . . . . . . . .at nababahag ang mga titi o uri,
Maraming pangil ang binubunot
. . . . . . . . . .kapalit ng makamandag na dila,
Maraming balahibo’t matalim na kaliskis
. . . . . . . . . .ang naghuhunos na damit at alpombra,
Maraming bagwis ang itinitiklop ng punglo
. . . . . . . . . .upang bigyang katwiran ang baril,
Maraming hasang ang nalilinis o napipinid
. . . . . . . . . .kapalit ng akwaryum at de-lata,
Maraming insekto’t dinosawro ang tinitipon
. . . . . . . . . .upang maigayak sa diorama’t museo,
Maraming tao ang ipinaglilihi sa mga hayop
. . . . . . . . . .dahil asal-hayop ang may korona’t setro,
Maraming kabayo’t tandang ang ipinupusta,
. . . . . . . . . .at lumilipad ang salapi ng sugarol,
Maraming unggoy, daga’t pusa ang tinitistis
. . . . . . . . . .upang iangat ang siyentista’t mangmang,
Maraming diyos at alipin ang kumakain
. . . . . . . . . .at napupuno ang bituka ng likido’t lamán.
IV. Pagpipiging
Nagugutom pa ang mga diyos at maladiyos
at lumalabo ang mga mata ng di-kumakain.
Namimilipit ang mga talangka’t hinahablot
ang kamag-anak na alimangong gumagapang.
Nililingkis ng kobra ang pugad ng katipaw
at walang sisiw na bibilangin ang inahin.
Wala mang gadya’t halimaw na umuungol,
may tagak na umiitim kapag naghahanap
ng kalabaw, at may balaw-balaw na balisa
sa lahar at nuklear. Kumukupas ang bahaghari
at balát-hunyango, kayâ waring tumatawa
ang mga hayina sa mahabang magdamag.
Bumubulusok ang bulalakaw sa dagat
at nalulusaw ang pugita’t bituindagat.
Nagsasaliksik sa malalayong peninsula
ang mga pawikan, pating, at tambakol.
Paglundag ng lumba-lumba’t butanding,
may talipuso’t lambat na magtatagumpay.
Ano ang ikukumpisal ng libong kilyawan
sa humahaginit na bato’t mga punglo?
Nagpapahabaan ng dila ang tuko’t palaka,
at lumilisan ang kuliglig at mandadangkal.
Walang mahapunan ang mga balangkawitan.
Sino, sino ang inaawitan ng mga kutigpaw?
V. Pagtapik sa Tiyan
Kailangang dumighay, umutot nang malakas
ang mga diyos upang lubos na marinig
at madama ng lahat kiming nagugutom.
Kailangang tingalain ng mga kinakabagan
ang pagtinga sa ngipin at kabusugan.
Kailangang papintugin ang isip at tiyan.
Kailangang ibantayog ang isip at tiyan
at hayaang bumulag ng inggiterong paningin.
Hanggang sa pagninilay sa muling pagkain. . . .
Ngunit umaatungal ang bulkan at bundok
kapag hinahalukay ang atay ng mga lupain.
Dumadaluyong ang ilog, danaw, at laot
kapag sinusuyod ang pusod ng tubigan.
Lumalatay, pumapatay ang apat na hangin
kapag nagluluwal ng asido’t polusyon
ang mga abala-aburidong pabrika’t makina.
Pinaliliyab ng apoy ang balát at hininga
kapag nabubutas ang balabal ng kalawakan.
Kaya’t kapag marami na ang kumukulong tiyan,
kapag nagrerebelde na ang mga dila’t bituka
o nagpapakana ng digmaan ang puso’t utak,
kumakapit sa patalim ang mapuputlang labì
kahit pa managinip ng mga lagas na ngipin.
Aagawan muna ng hapag at ulam ang mga diyos,
ngunit dahil naubos, pineste’t pinagpistahan
ang lahat ng dapat makain—kinakailangang
itakda ang napakalawak, maringal na handaan
upang masimulang katayin, iluto’t lamunin
ang matataba, masesebong diyos ng daigdig.
1992
