Salin ng “The History of Umbrellas,” ni Richard Garcia ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Kasaysayan ng mga Payong
Gaya ng yoyo at búmerang, ang unang mga payong ay nilikha bilang sandata. Ang mga lastág na bagani, na pintado ng guhitang dugo, ay magsasayaw, habang tangan ang kani-kaniyang payong, nang may anyong nakaamba. Ituturo nila ang mga ito sa langit, iwawagwag nang bukas-sara, at susundot-sundutin pagkaraan ang hangin; gayunman, mababatid nilang matatalisod sila sa kanilang mga payong kapag nagkalituhan sa bakbakan. O, habang sinusugod ang kalaban, maaaksaya nila ang sandali sa pagbubukás ng mga payong. Ang malubha, kapag papalapit na sila sa kalaban at tangan ang mga payong gaya ng parasol, mukha silang baylarina o manunuláy sa lubid, kayâ pinagtatawanan sila ng kaaway. Ilang siglo ang lilipas bago maisip ng sinuman na gamitin ang payong bilang panangga sa ulan. Kahit ngayon, ang mga payong ay nakakaligtaan sa mga paliparan, estasyon ng tren, silid-himpilan, bulwagan, at portiko.