Bumabakhtin Da Dawg
Roberto T. Añonuevo
“I shall return!” —Gen. Douglas MacArthur
“I am the Lord thy God. . .”— mula sa Aklat ng Exodus
Matututo balang araw ang ilog na tumiklop na isang papel, at ang papel na tumatahol ng mga salita na waring galing sa ambidekstrosong bathala ay magpapaunawa ng mga kalansay sa loob ng mga kontrata, ang kasunduan sa maboboteng huntahang bumubuti sa loob ng silid na naglalaman ng kabit-kabit na pag-ibig sa mansiyon o bantayog o paaralan, na kung hindi hawla ay galeriya ng mga aklat at gatasán ang kawawang guro, bumibiyahe sa langit para tumanyag na alagad ng poskolonyang moralidad, ikakatwiran ang kultura ng mga masunuring tuta, ngunit ipinagtatanggol ang kasaysayan ng pusa, o maysapusang isinasakay sa paglalakbay, marahil para makaipon tungo sa bagong proyekto, na gaya sa nobela’y hindi matapos-tapos sapagkat walang hangga ang gutom sa paghawak ng setro at teleskopyo, sinisipat ang anggulo ng bútas na lulusutan, umaahon na musika ng niresiklo at sintunadong katwiran, maamò ngunit ibig maging ámo, maraming tagapagtanggol na taliba at balita sa kawili-wiling dilim, kuripot sa grasya gayong waldas kung lunggati ang pag-uusapan, walang sinasantong batas at mahigpit sa teritoryo, lumalawak ang mga bakás na hindi tumatanda at di-nakatatanda, bukod sa nagpapahatid ng alingawngaw upang makarating marahil sa Norwega at makapiling ang kamukhang Noriega, malamig na humihimig sa ibabaw ng balikat ng mga trubador, animo’y lasing at hindi mapakali, nangangati kapag nag-iisa, bumibigkas ng walang kamatayang Ako, Ako ang Daigdig, nagpapakadalubhasa sa paglundag at nasa puso kung kumagat, na ang kamandag ay hinahangaan ng madlang hindi nakabuklat ng diksiyonaryo, na ang nilalaman ay inaari para pagkakitahan kahit pag-aari ng bayan sapagkat tinustusan ng buwis at pawis ng karaniwang mamamayan, at ngayon ay pag-aari ng iisang pangalan, na higit magtatagal at paplantsahin ang gusot, dahil ang papel ay ilog ng mga tumatahol, na kagila-gilalas sa kolektibong pagmamahal na maibalik ang tubig na umagos para wasakin ang angking loob, at kung nagbabasá ka pa rin hanggang dito, ikaw marahil ang tunay na Aso ng mga Aso—na hinding-hindi ko ipagpapalagay na isang siraulo.