Guru
Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
Ang sentro ang bulkan at ang bulkan ay umáhon sa palad ko noong isang araw. Hipan ito at lalong uusok at mapopoot. Takpan ito at mabilis sasabog. Ipinaloob ko sa bulsa ang aking kamao, at sa loob ng limang minuto’y wala na ang bulkang pinipigil umatungal. Maya-maya’y naramdaman ko ang apoy sa aking bayag, at ang bulkan ay pitong kilometro ang naratibo hinggil sa pag-iral ng paruparo. Ang paruparo? Kisapmata ang isang siglo, at marahil kayâ minamahal ng mundo. Isang taon ang lumipas, at ang gunita ng bulkan ay nagpasigla ng ekta-ektaryang rosas—na kakatwang pinakinabangan ng ibang lupalop. Maraming katwiran ang bulaklak, ngunit hindi nito kapalaran ang kapana-panabik na silakbo ng paikid na apoy. Hinahanap ko ngayon ang bulkan; at nang basahin muli ang palad, ang bulkan ay hindi na bulkan bagkus lumalargang kawan ng mga ibon. Kagila-gilalas na iginuguhit nito sa himpapawid ang ngalan ko habang lumilipad papalayo, at waring sumisigaw, nang hindi umuusal, na hindi ako, hindi ako ang sentro ng uniberso.