Salin ng “Procura da poesia,” ni Carlos Drummond de Andrade ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Paghahanap sa Panulaan
Huwag sumulat ng tula hinggil sa mga pangyayari.
Walang isinisilang o namamatay sa harap ng panulaan.
Sa tabi nito, ang búhay ay estatikong araw
na salát sa init o liwanag.
Hindi mahalaga ang pagkakaibigan, kaarawan, insidente.
Huwag sumulat ng tula na may katawan,
ang lawas na ekselente, kompleto, at komportable’y
sumasalungat sa pagbuhos na liriko.
Ang iyong ngitngit, ang iyong ngiwî ng kaluguran o kirot
sa dilim ay walang saysay.
Itago ang iyong mga sentimyento,
na pasikot-sikot at nagsasamantala ng kalabuan.
Anumang iniisip o nadarama mo ay hindi pa tula.
Huwag umawit ukol sa lungsod mo; hayaan itong mag-isa.
Ang awit ay hindi andar ng makina o ang lihim ng mga bahay.
Hindi ito musikang nagdaraan, o ingay ng dagat sa mga kalye
na umiiwas sa hanggahan ng bulâ.
Ang awit ay hindi kalikasan
o mga tao sa kapisanan.
Walang saysay sa tula ang ulan at gabi, ang pagod at pag-asa.
Ang panulaan (na mabibigong mahugot sa mga bagay)
ay lumalampas sa subheto at obheto.
Huwag maging dramatiko, huwag manambitan,
huwag magtanong, huwag maglustay ng oras sa pagsisinungaling.
Huwag mainis.
Ang yate mong garing, ang diyamante mong sapatos,
ang mga mazurka mo’t panlalait, ang mga kalansay ng pamilya
ay walang saysay lahat, at naglalaho sa kurbada ng panahon.
Huwag isalaysay
ang malungkot mo’t inilibing na panahon ng kabataan.
Huwag mangatal sa pagitan ng salamin
at naglalahong alaala.
Anumang kumupas ay hindi tula.
Anumang mabasag ay hindi kristal.
Pumasok sa kaharian ng mga salita na waring bingi ka.
Naroroon ang mga tula na ibig na maisulat.
Natutulog ang mga ito ngunit huwag masiraan ng loob,
sariwa at panatag ang mga rabaw nitong wala ni biyak.
Pipi at nag-iisa, hawig yaon sa estado ng diksiyonaryo.
Mamuhay sa piling ng mga tula bago sulatin iyon.
Kung malabo, magtiyaga. Kung nakasasakít, kumalma.
Maghintay hangga’t maging ganap ang bawat isa
at magwasak nang may kapangyarihan ng mga salita
at nang may kapangyarihan ng pananahimik.
Huwag pilitin ang mga tula na lumayo sa limbo.
Huwag pulutin ang mga tula mula sa sahig.
Huwag purihin ang mga tula. Tanggapin ang mga ito
gaya sa pangwakas at tiyak nitong anyong
siksik na siksik sa espasyo.
Lumapit at pagnilayan ang mga salita.
Sa bawat mukha
na may libong lihim na mukha ng iba pang mukha,
at ni walang pakialam anuman ang iyong maging tugon,
mahina man o malakas, ang bawat isa’y nagtatanong:
Dala mo ba ang susi?
Pansinin:
Nagkakanlong sa magdamag,
sa mga yungib ng melodiya at diwain, ang mga salita.
Mamasâ-masâ pa’t kagampan sa pagtulog, ito’y
umaagos sa masalimuot na ilog at nababago sa paghamak.