Social Distancing
Roberto T. Añonuevo
Ang súkat ng layo mo sa akin ang magtatakda
ng kapanatagan—na ipagpalagay nang malinis
na ospital o bagong hugas na mga kamay. . . .
Ang layo mo ay ang lapit ko sa paghihiwalay.
Lahat ay mapagdududahan, gaya ko sa tingin mo,
na sumakay ng eroplano; at ang eroplanong ito
ay maisasahinagap na umikot-ikot sa mundo,
at nang umuwi ay sakay ang tadhana ng ataul.
Ibinubukod ang tao sa kapuwa tao, na hindi ba
pagsasabing ang lahat ay iba na, iba sa iba?
Walang dahilan para tumawag o pumaswit.
Mamamatay ako sa sindak habang nasa loob.
Ang loob na ito ay maaaring sariwang resort,
o kaya’y paboritong sinehan o restoran,
ngunit hungkag, at ang nasa labas ay ikaw.
Pinagbubukod tayo ng bagay na lingid sa isip.
Mag-iingat ako at mag-iingat ka; kung kailan
darating ang kapahamakan ay laro ng síkiko,
ngunit maaaring pumasok sa bibig ilong mata.
Ang lumayo ka sa akin ay pagsasabi nang tapat.
Natulog ang mga pabrika. Naglaho ang mga dyip.
Nagsara ang mga tindahan. Walang tao sa daan.
At kahit silang magkasintahan ay tumatanggi
sa yakap o halik, o wikain ang salitang Pag-ibig.