Ang Emperador, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperador

Roberto T. Añonuevo

Umiiyak na sanggol ang mga panalangin
Sa pusod ng dambuhalang katedral
Na kapatid
Ng tanikala ng mga barong-barong,
At narinig ito
Ng mga ibon
Ng mga mithi,
At lumipad at tinangay yaon
upang lumapág at humápon sa aking mesa.

Ang tinig, ano’t nagtitinikling
Sa mga lapis at ilang kinuyumos na papel!
Ipinaling ko ang tingin
Sa relo,
At kisapmatang huminto ang inog ng mundo
na tuminag sa aking espasyo.
Makahihindi ba ang langit sa munting anghel
Kung wala rito ang Maykapal?

Nag-iwan ng mga balahibo
Sa balintataw ko
Ang mga paglipad,
Ang pagód na pagód na paglipad,
At marahil, nakasalubong nito ang mag-anak
Na lumiban
Sa hapunan,
Subalit nangangarap ng kaligtasan sa labas
Ng bintana.

Baká tinangay ng mga tuka ang mga uhay
Na magpapasimula
Sa planong bukirin
Para sa mga mangingisda
Na napilitang kumahig sa buhangin?
Sakali’t gayon, ang hinaing ng karpintero
ay dapat tumbasan ng pagbuo ng mga ataul.

Sa papel na nakalapag sa mesa’y nakasulat:
“.  .  . At sa laberinto ng mga balón at yungib,
Kumakawag ang ilang isda na magpaparami
Nang likás para sa nagbabadyang tagsalat.”

Ang inosenteng iyak
Ay tumalbog-talbog sa rabaw ng aking mesa.
Kahit ako magtukop ng mga tainga
At pumikit
Ay naririnig ang sariling tákot na nakabibingi;
Parang mga kampanilya sa des-oras ng gabi
Ang mahabang pila
Ng mga kalansay
Na kumakatok sa guniguni.  .  .
Hinahabol din ako
Ng antigong batingaw
Mula sa mga umaasa’t alaga ng kuwarentenas
Sa ngalan man
Ng nabalam na rasyon ng mga de-lata’t bigas.

Sa akin ba sila maglilintanya ng hinanakit
Kung awtoridad
Na maituturing,
Habang umaalat ang mga pisngi sa pawis
Ng pagtitimpi, pagtitiis?
Ang araw na ito’y ilalaan pa ba sa hukluban?
Tanghalian ba ng mga pating
Ang mga bangkay na magbabalik sa laot?
Ang mga sagot ay anong gandang palaisipan
para sa mga yayao,
lalo’t paunti nang paunti ang mga gatong.

Ngunit kailangan kong dumilat
Sapagkat dapat gampanan
Ang tungkulin ng kataas-taasaan at realidad.
Ipinababa ko ang krus at watawat sa tore
At binasag
Ang hanay ng mga deboto—sa isang utos.
Ngunit hindi tumatahan ang sanggol.
Tumatahan ay hinding-hindi ang sanggol
Hanggang mag-ihit.
Hinipan ng simoy
Ang mga balahibo
Palabas ng bintana pagsapit ng liwayway,
At nagpaginhawa sa akin ang gayong tagpo.

At ako na nakaupo sa paboritong trono
Ay titig na titig nang walang pagkasawà
Sa nakalatag na mapa—
Ang mapa na natigmak sa lumigwak na tsaa
Na wari ko’y pamilyar na dagat
Ng mga luha
Mula sa mga sisinghap-singhap na anghel.
Sa ilalim ng bituin, sa ilalim ng pangalan
At ekis,
Nakaturo ang balani ng iniingatan kong
Paraluman
Sa isla ng Ikaapatnapung Gabi.
Umiiyak na sanggol ang mga panalangin. . . .

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Paalam na Hibik, ni Kulleh Grasi

Salin ng “Halam Ikak,” ni Kulleh Grasi (Royston John Kulleh)                        ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paalam na Hibik

Binabayó-bayó
ng mga anino ang iyong ulo
sa dingding,
na himig-balúk sa hangin.
Tinig ng mga bagting ng buktót
ang kabiyak ng hininga
sa mga daliri mong
tumatangis nang hibang.

Agaw-lila’t bughaw ang ulop
na bumaba sa payëw ng langit
at marahang pumasok sa isip.
Inilihim mo ang kamatayan
dito sa higaan na kakatwa:
Anong tamis ng búhay sa iyo!

Ulo sa ulo,
bibig sa bibig,
paulit-ulit kang namamatay:
Ano’ng tamis ng búhay sa iyo?

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ang Kilyawan, ni René Char

Salin ng “Le loriot,” ni René Char ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kilyawan

Setyembre 3, 1939

. . . . . . .Pumasok ang kilyawan sa kabisera ng madaling-araw. Itiniklop
ng tabak ng kaniyang awit ang malungkuting higaan.
. . . . . . .Nagwakas ang lahat ng walang hangga.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Sila, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “They,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sila

Bakit kailangang bulabugin nila ang ating mundo?
Bakit kailangan nilang tapyasin habang lumalaon
ang mga marmol na monumento ng ating sapó-sapóng
gútom at pagpupunyagi? Ang ubod ng ating panahon

para sa kanila ay papel na pútong sa paghaharì,
at ang sigasig nating ipagsanggalang ang angking dangal
laban sa mga hishis-laguklok ng tumitinding hapdî
ay kakatwang bátik sa panig nila, na dapat pagtakpan.

Napopoot ka sa kanila, at likás lang na madamá,
nang mapanatili ang kalayaan ng iyong damdamin;
ngunit dapat nating baguhin iyan hangga’t makakáya
sa anyo ng karunungan at balanì, gaya ng sining.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

 

Round Table, ni Roberto T. Añonuevo

Round Table

Roberto T. Añonuevo

Nakikipaghuntahan ang mga ugat ng punongkahoy
sa mga ugat ng pana-panahong
palumpong o baging,
ani mo’y hinugot kay Sadhguru o sa dibuho sa komiks,
at kung ang mga ito ay papasok
sa aking bibig
ay maaaring lumabas sa tainga,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at gumapang
palapit sa mga mata, at tumimo sa mga balintataw
ang kagubatan, at maghunos na eksotikong libingan.

Katotohanan ang mesa, at nasasalat na katotohanan.

Pag-uusapan sa lupa at súkal
ang batis at estalaktita at dayaráy, at kung minsan,
kulog at kidlat,
punsô at balón,
ibubulalás ang kimkim na kabág o ahas o bulawan,
isisingit ang tiyaga
ng putakti at sakripisyo ng patpating kalabaw,
ililihim ang palakâ
o ang biya sa sipit ng talangkâ,
hanggang sumapit sa heolohiya ng tákot at mithi
na masisipat na pumutok na kuditdít o nalagas
na dahon sa kay lawak na alpombra ng mga lumot.

Nagpupulong ang mga punongkahoy—waring galít na galít
sa isa’t isa at nagsasapawan—
at anuman ang kanilang napag-usapan
(na lingid sa iyo o sa akin),
gaya halimbawa sa anyo ng bunga o patigasan ng bungéd,
ay pribilehiyong pailalim para sa mga karapat-dapat,
at diringgin
kahit piláy ang isang pakpak ng balitang lilikwad-likwad.

Medalyon, ni René Char

Salin ng “Medaillon,” ni René Char ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Medalyon

. . . . . . .Mga tubigan ng lungting kidlat na nagpapasagitsit ng luwalhati ng minamahal na mukha, mga tubigang tinahi sa pamamagitan ng mga sinaunang krimen, mga walang hugis na tubigan, mga tubigang dinambong ng konsagrasyon na abot-tanaw. . . Bagaman kailangan niyang sundin ang mga panawagan ng nalusaw na gunita, ang tagahukay ng balón ay pahalik na binatì pa rin ang sukdulang pag-ibig ng taglagas.

. . . . . . .Katambal na karunungan, ikaw na lumikha ng hinaharap nang hindi naniniwala sa nakapanlulumong bigat ay maramdaman nawa sa kaniyang katawan ang pitlag ng elektrisidad ng paglalakbay.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

 

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye, ni Georges Rodenbach

Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.

Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .

Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?

Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.

O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!

Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .

Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .

Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!

Ulo ni Shakespeare, ni Stephen-Paul Martin

Salin ng kathang “Shakespeare’s Head,” ni Stephen-Paul Martin                ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulo ni Shakespeare

. . . . . . .Naipit siya sa maipapalagay na malawakang pagbabago, ang transpormasyong labis na malaganap na mahirap maunawaan. Nawika marahil niya na ang tunggalian ng tradisyon at inobasyon, ang prinsipyo ng panlipunang pagbabago, ay mangyayari lámang kapag namayani ang inobasyon. Gayunman, ang pangkulturang inobasyon ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng istorikong proseso, isang kilusan, na kapag nagsimulang maging maláy sa kabuuan nito, ay makiling na sasapawan ang mga presuposisyon na bumubuo rito, saka sisikaping saklawin ang lahat ng transpormasyong sosyokultural.

. . . . . . .Sa ganitong laro ng mga tensiyon nabubuo ng mga indibidwal ang mga identidad, na mailalarawan bilang mga relatibong awtonomong totalidad, ang mga sona ng organisasyong nahuhubog bilang padron ng mga tinig, na kilala ang ilan at ang ilan ay naghahayag mula sa pangkulturang matrix, ang kabuuang istorikong kilusan na binubuo nila at tinataglay. Batid niyang ang gayong mga pagtatatag ay nalalahukan ng pasakit, mga pansamantalang dislokasyong ginagawa ang kasalukuyan na waring retroaktibo. Ang mga salitang nabubuo upang gabayan ang kaniyang mga pagsagap ay maaaring munti lámang ang kinalaman sa kaniyang hinahanap, at baká naging bahagi ng nakalipas na hindi naman talaga naganap, isang nakaraan na naganap noon at waring nagbabalik sa kasalukuyan. Ang tinig na ibig pukawin ang kaniyang pansin ay tila mula kay Shakespeare. Ngunit ang totoo’y wala siyang pakialam, makirot ang ulo niya dahil sa lagnat, at sumalpok ang maragsang simoy ng Nobyembre sa kaniyang mga ngipin, sa kaniyang lalamunan, hiniklat ang kaniyang balbas, pinatindig ang kaniyang mga buhok bago binunot, binaklas ang kaniyang ilong, sinungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, sakâ tinagpas ang kaniyang ulo, na tumalbog-talbog pababa sa kalye—hanggang huminto ito sa gilid ng istroler ng sanggol na malapit sa kabina ng telepono. Iniunat niya ang kaniyang mga kamay upang abutin ang kaniyang mukha, kinapâ ang espasyo na dáting kinalalagyan ng ulo, pasuray na naglakad pababa sa biyak at mabantot na bangketa, at natalisod sa may kanto nang sumulpot bigla sa kalye si Jill.

. . . . . . .Hindi malaman ni Jill kung ano ang kaniyang nakita—isang lalaking pugot ang ulo—ngunit nang matanaw niya ang duguang mukha sa istroler na gulilat wari at sabóg, alam niyang ang pagkawala ng ulo ay higit sa maipapahiwatig ng tayutay, at namuo sa kaniyang isip ang puwang imbes na diwain o malinaw na persepsiyon. Walang iniwang tatak ang duguang mukha, at naglakad siya sa lansangan nang di-nababagabag, pumasok sa kabina ng telepono, tinawagan ang kaniyang boss at nagbitiw sa trabaho, pagdaka’y nakaramdam ng ginhawa gaya ng bagong silang na sanggol, pumasok sa bar na malapit sa Pook Astor, at naghanap ng mga lalaking makakausap.

. . . . . . .Natalisod si Jack pagkaraan ng tatlumpu’t walong segundo, umupo sa bar at tumabi sa babae, saka sinimulang basahin ang Ang Salarin sa Loob Ko.

. . . . . . .Sabi ni Jill: Natapos ko nang basahin iyan noong isang linggo! Hindi ba maganda?

. . . . . . .Sabi ni Jack: Oo, maganda. At sinagot niya ang tatlong Dos Ekis para sa babae.

. . . . . . .Hindi naglaon at nagbalik sila sa silid ni Jack upang makilala ang isa’t isa sa kama, ngunit biglang namula si Jill, hinawakan ang kaniyang ulo, at nagunita ang mukha sa istroler.

. . . . . . .Diyos ko, aniya, hindi ka maniniwala sa nasaksihan ko noong hápon! Nakita ko ang lalaking pugot na naglalakad sa kalye, at nakita ko ang sa wari ko’y ulo niya na nasa istroler ng sanggol.

. . . . . . .Nayamot si Jack sa pagkabalam. Aniya: Paano mong nalaman na ang ulo ay mula sa nasabing katawan? Baká nagkataon lámang iyon! Bumangon siya sa kama at nagsindi ng tabako, nagbalik sa kaniyang desk at tumitig palabas ng bintana. Bakit ang bawat babaeng makilala niya ay mabibigat ang dinaramdam? Bakit malimit silang nakatuon sa pagdurusang pisikal? At bakit ang pangkulturang inobasyon ay naging isa pang kalakal? Bakit ang pakikibaka ng tao ay nakapailalim sa diskurso ng mga imahen, hanggang sa puntong ang pakikibaka mismo ay kailangang muling ipakahulugan, na higit ngayong nauunawaan sa politika ng persepsiyon, ang pakikibakang hindi dapat ganap na ipailalim sa laro ng mga kalakal?

. . . . . . .Nang umalis si Jill ay nagbalik si Jack sa bar at sinikap na magmukhang tae. Pambihira ang musika at nagsasayaw ang mga tao. Nasa sulok ang isang matangkad, matabang rubya na umiindak-indak hanggang malaglag ang ulo. Tumayo si Jack at nagsayaw at hindi nagtagal ay natagpuan ang sariling katabi ng babae.

. . . . . . .Nang huminto ang musika, sinabi ni Jack: Tipo mo ba si Jim Morrison? At tumugon ang babae: Oo, pero mas gusto ko si Van Morrison.

. . . . . . .Nabatid ni Jack na ang pangalan ng babae’y Maureen, at sinabi niyang kung magkakaanak siya’y pangangalanan ng Maureen, ang paborito niyang pangalan. Sinabi naman ng babaeng hindi niya kailanman nagustuhan ang kaniyang pangalan, at pinaplanong baguhin iyon, marahil tawagin ang kaniyang sarili na Marguerrite, o Mary Beth, o Melinda. Naisip ni Jack na maganda lahat ang pangalan, ngunit higit niyang naibigan ang Maureen. Sinabi ni Maureen na pagod na siyang makilala ang mga lalaking mabigat ang dinaramdam, mga lalaking malimit nagbabasá ng mga aklat na pantulong-sa-sarili at ukol sa terapya, mga lalaking hindi matanggap ang kanilang mga lalaking identidad. Itinanong ni Jack kung ano ang ibig sabihin ng “mga lalaking identidad.” Ipinaliwanag iyon sa kaniya ni Maureen, nagsaad ng mga metikulosong detalye, bukod sa malilinaw na halimbawa, at ipinaliwanag ang lahat ng kaniyang termino. Ngunit naisip ni Jack na ang lahat ng iyon ay kagaguhan. Aniya’y kailangan muna niyang magtungo sa kubetang panlalaki.

. . . . . . .Nang patungo na siya sa kubeta’y nasalubong niya ang kaniyang terapewta, si Bert, at ang kaniyang Boss, si Bart, na magkahawak kamay at nakatitig sa isa’t isa at humahalakhak. Hindi niya natunugang bakla ang isa, at kapuwa sila napahiya, bumulong-bulong ng mga walang saysay na palusot at lumabas pagkaraan, lumakad nang mabilis tungo sa kalye, at nadamang lulutang wari ang kanilang mga ulo hanggang kalawakan.

. . . . . . .Mapayat si Bart, ang poging lalaki mula sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1969, sa hangaring makakuha ng doktorado sa sikolohiya mula sa Columbia, ngunit hindi naglaon ay napatalsik siya sa kurso sanhi ng malaganap na dislokasyon, na sa totoo’y hindi niya maitatwa o malinaw na mailarawan. Ang mga mosyon na ang mga pangmasang kalakal ay pinararami nang kung ilang ulit sa mga publikong espasyo ay lumampas na sa hanggahan ng pagkasagana nito, at yamang ang wakas ng di-mapipigil na reproduksiyon ay malabo pa, ang sitwasyon ay maipapalagay na isang uri ng pribasyon. Sa sandali ng ekonomikong labis-na-produksiyon, ang namuong resulta ng panlipunang kontrol ay nagiging matingkad, sinasaklaw ang pisikal na espasyo sa laro ng mga imahen, na ang interaksiyon nito ay lumilikha ng ilusyon ng isang kultura. Nahulog ang mga salita sa mga mata ni Bart at sumaboy sa tumapong serbesa sa sahig. Ngunit walang pakialam si Bert dahil si Bert ay mapayat, guwapong lalaki na mula rin sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1972 upang maging mananayaw. Subalit mahigpit ang kompetisyon, kaya lumipat siya sa sikoterapya, ang hakbang na itinuturing niya ngayong malaking pagkakamali, dahil napuwersa siyang harapin ang lahat ng makikirot na bagay na hindi niya malutas, gaya ng katotohanang kinapopootan niya ang matatagumpay na tao, na wala siyang panahon para sa kaniyang mga pagkakamali, walang panahon para sa mga problema ng ibang tao, na hindi siya tinitigasan kapag pinahahalagahan niya ang mga tao na kinakatalik, na napupuyat siya sa gabi sa takot na makatanggap ng malalaswang tawag sa telepono, na ang mga ulap sa timog ay tiyak na pahiwatig ng kamatayan ng isang minamahal, na ang marurubdob na pakikipagtalo ay tila nakapagpapaliit sa mundo, na si Lot ay nakipagtalik sa kaniyang mga anak na babae makaraang masawi ang kaniyang kabiyak, na minsang tinangka ng kaniyang amang patayin ang lalaki na nag-aari ng baboy na ikatlo sa pinakamalalaki sa buong mundo, na ang kaniyang ulo’y gaya ng lobo na puputok sa isang pagdiriwang ng kaarawan.

. . . . . . .Romantiko ang buwan, nakaporma sa mga anino ng mga gusali, habang sina Bart at Bert ay naglakad nang magkahawak kamay sa Broadway tungo sa Kalye Canal. Ngunit nawasak ang tagpo sanhi ng tunog ng sigaw ng babaeng minumura ang kaniyang asawa mula sa ikaanim na palapag sa paupahang malapit sa Chinatown, at lalong naulol ang bana niya, at sumigaw nang may panlalait pababa sa hagdang patumbok sa kalye, binantaan na iitakin ang babae, at pinaratangang taksil ito at nilibak sa kung ano-anong bastos na pangalan, ngunit nagdilim ang paningin ng babae at inagaw ang itak at pinatumba ang lalaki sa isang kaliweteng bigwas, samantalang walang kamalay-malay na naging gastado ang buong kapitbahayan, na pinalitan ng sunod-sunod na imaheng umiiral sa itaas at lampas doon, at sa parehong panahon ay pinilit ang sarili sa kamalayan ng kultura, na inihahain na tila ba mababang uri ito ng nasasalat na anyo ng mga pangyayari sa espasyo, na biglang naging kapuwa kasalukuyan at absent, gaya ng aklat sa TV wrestling na pinagpupuyatan niyang matapos, na sinulat ng lalaking malinaw na sabik sa dominasyon, na ang bawat salita at parirala ay may masokistang implikasyon, o kahit paano’y gayon ang naiisip ng babae, ngunit alam niyang labis ang kaniyang pagpapalagay, at labis ang pagbasa sa aklat na hindi laan sa masinop na pagsusuri.

. . . . . . .Gayunman, hindi lubos maisip ng babae na ang lahat ng bagay ay dapat matalas na sinusuri, na maraming walang saysay na nagaganap sa mundo ang sa unang malas ay hindi nakapipinsala, ngunit pagkaraan ay nagiging nakamamatay, na dapat suriin nang maigi, tingnan kung para saan talaga iyon at hindi dahil sa kung ano ang ipinagmamagara nito, ngunit pagkaraan, winika niya sa sarili, na malimit siyang seryoso nang labis, na nagpapahiwatig na marahil, ang kaniyang sariling mga kontradiksiyon ay mumunting pagninilay sa mga pakikibaka ng mga makapangyarihang konglomerado, na ang mga minapakturang tunggalian ay sadyang mga estratehiya ng pagkontrol sa pananalapi, isang paraan ng pagpapalihis ng pansin tungo sa mga madulaing representasyon, palayo sa mga kaguluhan at guho na bumilanggo sa kaniya, at biglang pinagsisihan niya kung bakit iniwan ang kaniyang bana na lugmok sa kalye. Sinabi niyang hindi kasalanan iyon ng kaniyang bana. Pagkaraan, sinabi niya sa kaniyang sarili na kasalanan nga ng lalaki. Muli niyang ibinulong iyon sa sarili. Paulit-ulit. Nagsimula siyang paniwalaan yaon. Walang karapatan ang kaniyang bana na tawagin siyang puta, kahit gayon ang ibig niyang sabihin, kahit bulaklak ng dila lámang iyon, dahil ang totoo’y samot ang kapangyarihan ng mga tayutay, na naging sanhi ng mga digmaan at pambihirang imbensiyon, na sa yugtong iyon ng kagila-gilalas na pagtatanghal, labindalawang bloke ang layo sa pusod ng lungsod patugpa sa Kalye Walker, Unang Yugto ng Hamlet, ang yugtong pinagsasabihan ni Polonius ang kaniyang anak na pigilin ang dila na isakataga ang lamán ng diwa, at si Bill ay inaantok sa unang hanay ng upuan, na mukhang gago dahil dinapuan ng matinding sipon at lagnat. Kailangan niyang kumapit nang mahigpit sa kinauupuan upang maiwasang umubo nang masasál, at pumigil iyon sa kaniya na ganap na maarok ang dula, na naging sanhi para lalo siyang magmukhang gago. Gayunman, ang pangunahing dahilan kung bakit siya lumabas ay hindi dahil gusto niya si Shakespeare, bagkus dahil kailangan niyang basahin ang Hamlet para sa English 101 sa NYU, at yámang hindi niya masakyan ang wika ni Shakespeare, naisip niyang makabubuti kung panonoorin niya ang pagtatanghal ng dula. Walang sinuman sa kaniyang klase ang káyang pagtiyagaang basahin si Shakespeare. Lahat sila’y dama na ang wika ay masalimuot at labis na sinauna. Subalit may nakatakda silang pagsusulit—at kailangan nilang maintindihan ang Hamlet. May naisip na plano si Bill. Lahat sila’y maglalakad sa Kalye Walker nang tangan ang mga VCR at notbuk. At ngayon, doon siya sinipon. Sinikap niya ngunit wala siyang maunawaan, at humapay siyang hilong-hilo sa kinauupuan, nadamang ang kaniyang lagnat ay tumataas, natutunaw sa espektakulo ng mga mapandahas, huwad-na-aliwan, kinalakal na representasyon ng mga tao na inupahan bilang mga pangkulturang ikon, balighong gantimpagal, pekeng kaluguran, na pawang nakapailalim lahat sa pangmalawakan at nakasasagad na kisapmatang kuwantipikasyon. Malabo niyang nasagap na ang ibang manonood ay isinantabi iyon at itinuring na walang saysay, na ang panahon ay naging kalakal, mala-siklikong padron na ginagaya ang mismong pagbabago na pinipigil nito, na lumalaganap dahil sa lumalalang kahirapan na sinisikap nitong ikubli, ang kahirapang nililikha nito at pinalalaganap. Tradisyon at inobasyon ang muling ipinakakahulugan bilang mga simulasyon, kategoriya na waring tumutukoy sa istorikong proseso, nililikha sa pamamagitan ng teknolohikong puwersa na kahit ang malakas ay hindi makaliligtas, ginagawa ang hinaharap na magmukhang isang tao na nagbitiw sa kaniyang trabaho nang wala man lang babala. Nakaramdam siya ng malakas na bugso ng simoy sa kaniyang katawan, at natunugang baká lumakas pa ang hangin at umangat at hiklatin ang kaniyang ulo.

Ngunit ang gayong pagpapalagay ay tila paglikha ng hangin na katumbas ng bulaklak ng dila, na sa katotohanan ay naroon iyon at bumubuga mula sa iba’t ibang panig, hinahatak pabalik ang kaniyang balbas, sinusungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, pinipigtas ang kaniyang ulo, at hinihipan palayo ang ilong tungo sa kalye. Naupo siya roon na waring gulilat at batong-bato, gaya ng lumamig na pagkain sa piging doon sa kasalan, o kaya’y sanggol na iniwan sa labas ng bahay at nakasakay sa istroler at kumakagat ang lamig ng Nobyembre, pinanonood ang mundo na umandar nang hindi nauunawaan.

Ang Lihim ng Hoa Sen, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Bí mật hoa sen,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lihim ng Hoa Sen

Ang talukap ng gabi’y isinakay ako sa bangka,
na lumulutang sa humuhuning mga baíno.
Hoa sen! Tinawag ng mahal ko ang halamang-tubig
nang maisalin sa labi niya ang halimuyak nito,
at hubarin ang ulop ng daigdig na lingid sa akin.

Gumewang ang hoa sen, nangatal, pigil-hininga.
“Kumapit sa akin,” aniya, na tila mula sa ibang planeta.

Nang abutin ko ang daigdig ng mukha niya,
nalasahan ko ang pananabik sa kaniyang balát
na kumikislap nang may sariwang araw
na umaahon sa aming pagitan.

Tanging ang hoa sen
ang nakasaksi kung paano ako
naging bulaklak
na nanginginig-nginig sa dibdib ng liwanag.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity