Pila
Roberto T. Añonuevo
Sumunod sa awtoridad ang wika ng kaayusan
ng siyudad. Gaya ng langgam, bumubuntot
ako sa iba pang benepisyadong nasa listahan,
at kung langgam ay magsisilbi sa kamahalan.
Wala akong reyna, ngunit marunong pumila.
Alam ba ng langgam ang diwa ng kawanggawa?
Sinusundan ko ang linya, at kung ito ang saklolo
na kung tawagin ay patakaran, hayaan akong
huminga na parang munting sardinas sa de-lata.
“Kailangang makaraos ang bayan sa pandemya!”
Ang awtoridad ang bumabalangkas ng ospital,
kahit ang paligid ay kambal na talyer at palengke.
Hindi iniisip ng langgam ang tarheta o edad;
nababahala naman ako sa agahan ng mag-ina.
Ano kung magpatiwakal sa trabaho ang langgam?
Para sa lungsod, para sa bansa, para sa mundo,
at kung ano man ang iba pang pampalubag-loob,
sinisikap ng awtoridad na mabiyayaan ang lahat.
Ibig ko nang maniwala, kahit ang pilipisan ko’y
parang hindi mauubusan ng makukupad na luha.
Habang lumalaon, dumarami ang mga langgam
na gaya ko, na marahil ang iba pa’y natutong
mabuwisit sa paghihintay, mayamot sa mabagal
na pagdating ng isang supot ng bigas at tinapay.
Nagwawakas ang pila sa mesa pirma pagkilala.
Maglalakad ako pauwi, mananaginip ng pulut
ng pag-asa, banayad na kakausapin ang mga paa,
habang bitbit ang bunga ng aking buwis-pawis
at kumukutob ang kalam ng titig ng madlang
sinusundan ng awtoridad sa wika ng kaligtasan.