Karpiyud
Roberto T. Añonuevo
Naglalakad na binata sa abandonadong abenida
ang ritmo ng gitara
ngayong ibinilanggo ng sálot sa loob ng tahanan
ang buong bayan.
Ang sálot, tila wika ng sabóg na pangulong maalam
sa batas ngunit abstrakto ang sintaks at hiwatig,
ay lumalaganap nang manhid malamig lumulutang—
at nakatanghod kami sa teatro ng katangahan.
Naglalakad na binata sa abandonadong abenida,
ang gitara’y sumasagot
sa palasyo na ang mga tao’y pagod gutóm siraulo
sa kahihintay
sa kung tawagin ay ayuda mula sa kabang-yaman.
Naglalakad ang binata sa abandonadong abenida,
at kung hihimig ang gitara,
ang himig ay naghihintay ang umaasang pamilya
sa likod ng barikada.
Kung may plano
ang gitarang umaawit sa binatang nag-iisa sa abenida,
malabo ang plano ng gobyerno sa paggugol ng pondo,
singhal ng mga artista sa isang kurot na komentaryo.
Ano kung mabagal ang saklolo at napakabilis iluwal
ang batas laban sa pandemya?
Nakalunok ba ng pagong ang Palasyo ng Malabanan?
Hungkag na kamalig ang aming pag-asa. . . .
Humahaba ang píla ng mga bangkay sa krematoryo,
isa-isang nalalagas ang mga mediko,
heto’t pinupuyat pa rin kami sa sermon ng pangulo.
Matitiis ang kuwarantenas,
ang sabi ng gitara, ngunit ang negosyo’y umaaray,
at kaming walang suweldo’y unti-unting namamatay
gaya ng binatang mag-isa sa abenida.
Gayunman, ang talumpating garalgal ng pangulo
ay hindi naglalakad sa abandonadong abenida,
at kung magbanta pa’y butangerong ngumangawa—
iyan ang wika ng gitara
na sa mga kamay ng binatang naglalakad sa abenida
ay naghahanap ng lunas sa desesperasyon, depresyong
nakamaskara ng arlekin mula sa aklatan ng aklasan,
nakamaskara ng arlekin mula sa aklasan ng aklatan.