Salin ng “El Alba,” ni Ricardo Jaimes Freire ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Madaling-araw
Ang mapuputlang liwayway,
Isinilang sa piling ng mahihiwagang anino,
Ay nagtataglay ng mga himaymay ng karimlang
Nagsala-salabid sa laylayan ng mga balabal nito;
Pinaniningning ng sinag ang mga bundok,
Ang mga tuktok ng mga bundok ay namumula;
Pinaliliguan ang mayayabang na tore,
Na sumasaludo sa kanilang tahimik na aparisyon
Nang may inaantok at namamaos
Na tinig ng mga kampana;
Naghahalakhakan sa masisikip na kalye ng lungsod
At nababasag sa mga bukid na ang taglamig
Ay dumadakila sa madidilaw na dahon.
May pabango ng Silangan
Ang mga liwayway,
Hinango sa mga daan, mula sa mga lihim na gubat
Ng pambihirang halamanan.
Nagdudulot ito ng mga ritmo at musikang kaaya-aya,
Dahil naririnig ang mga huni at awit
Ng mga ilahas na ibon.
Biglang lumindol at niyanig ang matatandang bahay,
At ang mga tao, na halos hubo’t hubad,
Ay nagsiluhod upang magdasal sa mga kalye at patyo,
At sumigaw: “Diyos ko! Makapangyarihang Diyos!
Diyos na walang hangga!” Sunod-sunod ang katal ng lupa,
wari bang niyugyog ng apokaliptiko’t di-nakikitang kamay. . .
Simbigat ng tingga ang atmospera. Wala ni simoy.
At sinasabing ang Kamatayan ay tumawid dito
Sa lilim ng panatag na kalangitan.
Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity