New World Order, ni Roberto T. Añonuevo

New World Order

“The world is mine!” —David Guetta

Nakikita niya ang mina’t resort habang sumasabog
Ang bulkan.
Naririnig niya ang kotse’t piyer bago pa dumating
Ang bagyo.
Naaamoy niya ang bangko’t gamot tuwing sasalakay
Ang peste.
Nasasalat niya ang krudo’t prutas kapag umaalab
Ang digma.
Lasang-lasa niya ang bilyong tao sakali’t tumindi
Ang salot.

Heto siya ngayon, sabik na sabik sa bagong liwayway
Ng mundo:
Sa bagong
Pamana
Ng trono.