Salin ng “Again,” ni Richard Bausch ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Muli
Sa Monte Cassino,
. . . . sa timog ng Roma,
Noong halos bago
. . . . magwakas ang ikalawang
Digmaan, ang pila ng beteranong
. . . . subók sa bakbakan
Ay nalusaw sa silid
. . . . ng ospital, umiiyak.
***
Noong taon
. . . . na isinilang ako,
Binaril ng mga Aleman
. . . . ang libo-libong Pólako
Na sibilyan habang
. . . . ang hukbong Ruso’y
Nakatayo at nagmamasid.
***
Sa mga trintsera sa kahabaan ng Rin,
. . . . nagkasakit ang mga kawal
At nangatal, at naghari ang sindak
. . . . sa naligalig na lupain
nang may usok.
***
Humayo ang mga táong ito nang nananalig sa pag-ibig.
At umuwi sila sa tahanan nang wala nang kakayahan
. . . . pang maniwala sa pagmamahal.
***
Noong taglamig ng nakapapasong
. . . . niyebe, ang taon na isinilang ako,
Sinusunog ang mga lungsod.
. . . . Ang asin ng kati’t taog,
ang asin ng duguang dagat,
. . . . ay pinawalan sa daigdig.
***
Pagkawasak sa kisapmata,
. . . . ang tibok ng isang puso,
Isang tibok. Nangagliyab
. . . . ang mga uniberso ng mga murang pangarap.
Mga mahal na binálot sa abo.
***
At narito muli ang lahat
. . . . Para sa dugo ng mga kalabuan,
Mga obheto ng isip, mga témpano ng pag-iisip.
. . . . Mga diwaing nagpapawalang-bisa,
Mga pilosopiya.
. . . . Mga kredo. Mga paniniwala.
***
Iwinaksi ko ang lahat, ang bawat isa.
. . . . Iwinaksi natin ang lahat, hindi ba,
Ang lahat, ngunit nananatili pa rin.
***
Wala nang gagaang sabihin
. . . . kaysa pagsisihan ito. Nagluluksa tayong
Makita ang kabuuang pinatutugtog
. . . . muli, at ang ating pighati ay parang
Okasyon ng paggunita, isang ritwal,
. . . . habang sa buong daigdig
Ang mga tribu at kanilang salarin
. . . . ay pinupugto ang kariktan.
***
Ang dilim ng dagat sa gabing
. . . . may putong ng lawak na walang buwan,
At ang pagtaog ng humihilang alon
. . . . at ang kislap sa panganorin
Ay maganda. Ngunit yaon ay bálang
. . . . sumabog, sumupling na apoy.
***
Sa ngalan ng Diyos! Sa ngalan ng Diyos.
. . . . Oo. Oo. Iyan. Sa ngalan Niya,
O sa ngalan ng Allah o Partido o Bansa
. . . . o salapi o kabaliwan o ito’y
labis na karaniwan para italumpati pa.
***
. . . . Ang pagpatay sa gayong kalawak,
at ang sigaw na ito, itong hinagpis,
ay walang natatamo ni isang elemento
ng anuman para wikain nang sariwa.
Sinasabi natin ito at sinasabi at sinasabi—at
walang nang bago, wala ni bago.
***
Humayo ang mga táong ito na nananalig sa pag-ibig.
Sa ngalan ng Diyos!