Mga Buhay, ni Arthur Rimbaud

Salin ng “Vies,” ni Arthur Rimbaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Búhay

I
. . . . . . . O, mga dambuhalang abenida ng sagradong lupain, mga terasa ng templo! Ano ang nangyari sa Brahmin na minsang nagturo ng Kawikaan? Ngayon, doon sa ibaba, nakakikita pa rin ako ng matatandang babae! Natatandaan ko ang mga pinilakang oras, at ang araw sa gilid ng mga ilog, at ang kamay ng aking sinta sa aking balikat, at ang aming mga haplos habang nakatindig sa palumpungang tigmak sa ambon. Umalingawngaw sa aking utak ang lipad ng mga eskarlatang kalapati. —Dinestiyero dito, mayroon akong entablado na pinagtatanghalan ng mga obra maestrang panitikan ng buong mundo. Maituturo ko sa iyo ang mga kahanga-hangang yaman. Sinusundan ko ang kasaysayan ng mga yaman na maaari mong matuklasan—at alam mo na ang kasunod! Binalewala ang aking dunong bilang kaguluhan. Ano ang aking kahungkagan kung ihahambing sa sorpresang naghihintay sa iyo?

II
. . . . . . . Ako ang imbentor na karapat-dapat pag-ukulan ng pansin ng lahat ng nauna sa akin; isang musiko na nakatuklas ng kung anong bagay na gaya ng teklado ng pag-ibig. Ngayong eskudero sa nayon na may tigang na lupain sa lilim ng panatag na langit, ako’y magsisikap na palisin ang katamaran sa pamamagitan ng paggunita sa pagkapulubi noong kabataan ko, ang ilang taon ng pag-aaral o ang pagdating ko nang suot ang sapatos na kahoy, ang aking polemika, ang lima o anim na pagkabalo, at ang ilang pagkakataon ng paglalasing kapag ang katinuan ko’y pumipigil sa aking tularan ang kagaguhan ng mga kasama. Hindi ko hinahanap ang dáting pakikibahagi sa dibinong kasiyahan. Ang katahimikan ng malupit na nayong ito ang nagpapalusog nang labis sa aking nakahihindik na pagdududa. Ngunit dahil hindi ko na magagamit ang pagdududa, bukod sa ipinako ang pansin sa bagong alalahanin, paniwala ko’y magwawakas ako bilang peligrosong siraulo.

III
. . . . . . . Natuklasan ko ang mundo sa loob ng átiko na pinagkulungan sa akin noong edad dose pa lamang ako. Natutuhan ko ang kasaysayan sa pabrika ng hinebra. At sa ilang kasiyahan kapag gabi, doon sa hilagang lungsod, nakatagpo ko ang lahat ng babae ng Matatandang Maestro. Sa sinaunang arkada ng Paris ay natutuhan ko ang mga klasikong agham. Sa kagila-gilalas na mansiyon, na may halimuyak ng ringal ng silangan, natapos ko ang nakapapagod na mga gawain at ginugol doon ang maluhong pamamahinga. Sinaid ko ang lakas. Tinumbasan ang aking pagpapagal at nakamit ko ang gantimpala. Ngunit ang gayong pangangailangan ay hindi na mahalaga sa atin. Lumalampas ako sa maitatakda ng libingan, at hindi na muling tatanggap pa ng mga kompromiso.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.