Resureksiyon ni Meng Haoran sa Hubei makalipas ang mahabang panahon
Roberto T. Añonuevo
Nakatulog si Meng Haoran at sinalubong ng mga uwak—
Ang mga uwak na busóg na busóg sa paglapà ng mga bangkay;
At ang mga bangkay na warat-warat ay napukaw ng sipol
Ng simoy, at tumindig, at naglakad nang humahagulgol. . .
Ngunit nanatiling nakahimlay ang makata sa piling ng awit
Ng napigtal na libo-libong dahon mula sa mga punongkahoy
Na tila ospital na umaapaw sa mga tao na may trangkaso,
Pagdaka’y naging hardin ng sigâ, habang tumutula ang usok
At apoy, at sumasayaw ang mga titik sa himig ng tik-tak-tok. . .
Dumilat si Meng Haoran sa aparato ng salot at bangungot,
At ang ibon ay naging daga at ang daga ay naging paniki,
At ang paniki? Isang tuldok sa libong saliksik ukol sa sakít,
Na puwang upang magduda kung siya pa rin ang makata, o isa
Nang partido ng mga burukrata na ang watawat ay pabrika
ng mga lamanlupa, na sinasaliwan ng awit ng manyikang hukbo.
“Ako ba ang panaginip para sa dinastiya ng setro’t estado?”
Walang ano-ano’y umalingasaw ang tala-talaksang kalansay,
Na nagmamapa sa mga milenyo’t konstelasyon ng mga imperyo.