Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye
Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.
Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .
Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?
Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.
O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!
Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .
Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .
Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!