Mga Limon, ni Eugenio Montale

Salin ng “I limoni,” ni Eugenio Montale ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Limón

Makinig sa akin, ang mga makatang lawreado
ay nakikilandas lámang sa mga halamang
may natatanging ngalan: bo, lipúk, o diliwariw.
Ngunit ibig ko ang mga daan sa madadamong
patubig na ang mga bata’y
sinasalok ang ilang gutóm
na palós mula sa halos matuyot na sanaw:
Mga landas na lumalampas sa mga tarundón,
palusong sa mahahalas na tambô’t nagwawakas
sa mga taniman, sa mga punong limón.

Mabuti kung ang alingayngay ng mga ibon
ay maglaho, at lamunin ng bughaw:
Higit na maririnig ang mga bulungan
ng mayuyuming sangang nilalandi ng simoy,
at ang mga pagdama sa ganitong samyo
ay hindi maihihiwalay mula sa lupain
at magpapaulan ng tarantang tamis sa puso.
Dito, sanhi ng kung anong himala, ang digma
ng mga balisang libog ay hinihiling na ihinto;
Dito, tayong dukha’y nakasasagap ng yaman,
na katumbas ng halimuyak ng mga limón.

Alam mo, sa ganitong katahimikan na ang lahat
ng bagay ay nagpaparaya at tila halos talikdan
ang pangwakas nitong lihim,
minsan, nadarama nating malapit nang
matuklasan ang mali sa Kalikasan,
ang putól na daán ng mundo, ang marupok na kawil,
ang hiblang kakalasin ang buhól na maghahatid
sa pinakapuso ng katotohanan.
Sinusuyod ng paningin ang kaligiran nito,
ang isip ay nagtatanong nagtutuwid naghahati
sa pabango na ano’t napapawi
sa pinakamatamlay na yugto ng araw.
Sa ganitong mga katahimikan ay makikita mo
ang kung anong Dibinidad
sa bawat mabilis mawalang anino ng tao.

Ngunit sumasablay ang ilusyon, at ibinabalik tayo
ng panahon sa maiingay na lungsod
na ang bughaw ay masisilayang mga retaso
sa itaas at sa pagitan ng mga bubungan.
Pinapagod ng ulan ang lupain pagkaraan;
pinagugulapay ng nakaiinis na taglamig
ang mga bahay,
kumakaunti ang sinag—pumapait ang kaluluwa.
hanggang isang araw, sa nakaawang na pinto
ng hardin, doon sa piling ng mga punongkahoy,
gugulantang ang dilaw na mga anitong limón;
at ang nakapanginginig na lamig sa puso’y
biglang matutunaw, at sa kaloob-looban natin,
ang mga ginintuang sungay ng liwanag
ay bumibirit ng angking taglay na mga awit.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity