Salin ng “Atalaya,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Atalaya
Ang relihiyon na nagwiwikang nasa langit ang tinapay
Saka malupit at walang latoy ang makalupang búhay
At hindi ka dapat labis na mabahala sa magaganap
Ang garantiyang tunay na matatalisod ka kada hakbang,
At hahampas nang lubos sa mga bilugang bato ng lupa
ang mga ngipin at kaluluwa hanggang tuluyang mabasag.
Salin ng “Consejo que ya no es necesario en Ninguna parte del mundo pero que en El Salvador. . .” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Payo na hindi na kailangan saanmang panig ng mundo kundi sa El Salvador. . . , ni Roque Dalton
Huwag kalimutan
na ang pipitsuging pasista
sa hanay ng mga pasista
ay pasista pa rin.