Pesteng Yawa
Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
Nalimot kong umibig isang araw, at nang pumasok sa aking bintana ang sinag ng liwayway ay inakala kong talumpati iyon ng pangulo na mahilig magbiro at pambihira ang kodigo ng mga talinghaga kapag nagpapaliwanag sa madla. Nag-unat at naghikab ako, at ramdam kong tila nalagas ang lahat ng aking ngipin at buhok, at kung mumuráhin ko ang umaga ay pagtatawanan ako ng salamin. Napanaginip ko kagabi na kinulimbat ng mga langgam ang natitirang asukal sa kusina, at lalong dumami ang mga sundalo at pulis sa buong metropolis. Na hindi naman nakatinag, dahil walang sariwang imahen . Gusto kong bumangon ngunit parang nagkabaging ang kama at nililingkis ako nang hindi ko maunawaan. . . Kumuliling ang orasan, at pagkaraan, iniligtas ako ng tungkulin ng tandang at tahol ng nagugutom na aso laban sa halimaw na higaan. Tumindig ako, subalit ang aking mga paa ay ano’t yelong natutunaw. Lumakad ako at natigmak sa panlulumo ang sahig. Napadako ang mga mata ko sa kalendaryo, at naisip kong tatlong siglo na akong nakakulong ngunit hangga ngayon ay hindi pa namamatay. “Ganito ba ang masamang damo?” asik ko sa sarili. May kumakatok sa pinto, at ibig ko mang buksan ay ipinagkakait sa akin ng bait ang tagpo para sa sinumang panauhin. May kung anong vayrus ang kumapit sa aking katauhan; at kung mahahawa ang iba pang nilalang sa aking kalagayan (na wala akong pakialam at ayokong mandamay), marahil ay malilimot din nilang umibig, gaya ko, sa kanilang daigdig isang araw. Kinapa ko ang dibdib, at waring narinig kita— na paulit-ulit tinatawag ang aking pangalan. . . .