Ang Alamat
Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
. . . . . . .Nabuo sa wakas ang intramuros ng kaisipan, mula sa kalkuladong petsa at pagbabagong klima noong asul ang buwan, at sinipat ng Kabataang Kapitan ang labas ng kaniyang nasasakupan. Tumatayog ang mga sopistikadong tore sa ibang isla mula sa Karagatan ng mga Bituin, at ayon sa nasagap ng kaniyang matatapat na tiktik na waring mga modelong rumarampa sa Fek Magasin, kinakailangang bumalangkas ng pambihirang hakbang ang elektronikong nasyon, upang mapanatili ang kasarinlan, ang kapangyarihan, at ang kayamanan sa pitong lupalop ng Planeta Z laban sa walong imperyo ng uniberso.
. . . . . . .Ang Kapitan, na hinubog ang isip sa galaktikong kodigo ng mga numero at titik, ay nakaisip ng isang payak ngunit disimuladong plano. Iniutos niyang ipasok ang kaniyang dalawang kabayo sa yungib ng guniguni, at nang lumabas ang mga ito sa bunganga ng Itim na Wawa ay nasa anyong kiyapo at kalapati sa bisa ng aghamistikang mutasyon. Tatangayin ng agos ang kiyapo at magiging agahan ng mga hito at plapla; at ang naturang mga isda ay isasakay sa mga banyera, at magpapakain sa libo-libong nagugutom mula sa kongregasyon ng mga panatiko. Samantala, ang kalapati ay mangingibang-bayan, at pagkaraang makatagpo ng pugad na yari sa aparato ng mga komplikadong koreo, ay lalapag na liham na bumabati ng “Magandang balita!” sa mesa ng isang antukin ngunit pakíng na kawani sa Palasyo ng Malabanan.
. . . . . . .Sasagapin ng mga panatiko ang mga isda ng kaligtasan, waring libóg na libóg o sabóg na sabóg, at hindi maglalaon ay talosaling na tawagin pang panatiko ang panatiko bagkus tanikala ng kalansay at barumbarong, na habang tumatagal ay maghuhunos na kuwintas na isusuot ng reyna kolehiyala, na kapag ginaya ng kaniyang mga tagasunod sa InstaBrat, ay magiging ginintuang lubid, at ang lubid ay magiging extraterestriyal na taytay na magdurugtong sa malalayong bundok ng mga kapitnasyon at magpapantay sa signal ng mga kulay ng mga ideolohiya at kasarian. Isang selebrasyon ng sining, wiwikain ng mga pahayagang olográfiko, kaya hindi kataka-takang magpalipad ng mga guryon na hugis isda at butanding ang mga dukhang uri, na pagkaraan ay magiging ipersónikong jet o drone, na magpapasabog ng mga bomba na gumagagad sa pinakamaingay na Bagong Taon sa Planeta X, habang napupulbos ang mga sinaunang aklatan at palengke ng mga opinyon.
. . . . . . .Samantala, ang isang kawani, na ibig magpasiklab sa kaniyang administrador, ay naging masigla sa kaniyang opisina nang makatanggap ng “Magandang Balita.” Ipinakalat niya ang Magandang Balita, sa pamamagitan ng pin at twit, na pagkaraan ay naging arkitektura ng mga larawan, at ang mga larawan ay kumislot at naging atletang sumasalpok sa komputer at selfon, na kasisiyahan ng sinumang makaengkuwentro nito, na magiging katwiran upang iluwal ang henetikong kusing, at ang henetikong kusing ay darami nang darami at ikayayanig ng Bangko Sentral, na magiging kural ng mga siraulong negosyante na mahilig magpalamig sa mga elektromagnetikong pasugalan at pornograpikong akademya.
. . . . . . .Isang araw, magugulat na lámang ang walong imperyo na nasusunog ang kanilang mga kastilyo na ikinayanig ng konstelasyon ng mga sinaunang gahum. Nagwelga ang mga tao, saka naghuramentado ang mga salita laban sa namamayaning sistema. “Anong salot ito,” koro ng walong imperyo, “at tayo’y nababasag sa kalabang may kung anong tagabulag?”
. . . . . . .Napahalakhak ang Kabataang Kapitan. Pakiwari niya’y naroon siya sa ipodromo na siksikan ang mga parokyano at isinisigaw ang kaniyang pangalan. Kumakain ng alikabok ang kaniyang katunggaling walong imperyo, talak ng mga brodkaster, at naisipan niyang magpaluto ng sinigang na paniki’t pagong. . . .
. . . . . . .Habang tumatagal, ang dalawang kabayo ng Kabataang Kapitan ay nawalan ng anumang bakás, suriin man ang urutan ng asido nukleíko nito, sanhi ng intersiyentipikong makinasyon ng hukbong partisanong eksperto mula sa laboratoryo ng lason at bakuna. Ngunit sa utak ng Kapitan ay hindi kailanman mabubura ang pasikot-sikot na paglalakbay ng kaniyang matatapat na alaga na nakalikha ng pambihira’t maligoy na mapa ng atake at depensa, na kung tawagin ay Magnum AlfaZero, na tumatangging maiugnay sa digmaan o ahedres ngunit malayang hakain bilang diyabolikong aliwan ng tropa, habang inuuyam si Homer o kaya’y nilalapastangan si Vyasa. Magbabalik ang dalawang kabayo sa Planeta Z, ngunit malayo na sa anyo ng mga orihinal na kabayo bagkus koleksiyon ng minahan at kagubatan, bukod pa sa bagong laot at kapuluan. Maiimbento ang omoheneong populasyon, na magdaraan sa Ruta Plastika para patatagin ang robotikong kulturang ala-Sun Tzu at palawakin ang intramuros ng kaisipan. At sa muling paglitaw ng asul na buwan, ayon sa matematikong hula ng henyong si Vito Corleone, magtatangka ang trilyong hukbong panghimpapawid na salakayin at sakupin ang Planeta Y—ituring man yaong susunod na kabanata mula sa di-matighaw na lunggati ng Kabataang Kapitan.
Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity