Salin ng “La guitarra,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Gitara
Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Nabasag ang mga kopa
ng madaling-araw.
Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Hindi ito mapatatahan.
Imposibleng
mapatahimik pa ito.
Monotomong iyak nito’y
gaya ng iyak ng tubig,
gaya ng iyak ng hangin
sa niyebeng pumapatak.
Humihikbi ito
sa malalayong bagay.
Nananambitan
sa mapuputing kamelya
ang mainit na timugang
buhanginan.
Humihikbi ito sa tudla
ng palaso sa kawalan,
sa gabing walang umaga,
at sa unang patay na ibon
sa sanga.
O gitara!
Pusong kay lalim tinusok
ng limang espada.
Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity