Salin ng bahagi ng klasikong tula ni Shah Abdul Latif Bhittai ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Himig ng Ulap
1
“Maulap ang langit!” ang sigaw ni Latif.
“Malakas ang ulan, pawalan sa párang
Ang kawan ng báka at dalhin ang gamit!
Mayroong pag-asa sa ating Maykapal!”
2
Hatid ng Maykapal ang ulap at ulan
Nang lupa’y madilig at ang mga damo’y
Sumupling sa lupa. Pagód na ang bayang
Lagalag! Ang ulan ang mithing saklolo.
3
Di sapat ang ulan, ang wika ni Sayyad,
Kung wala sa tabi ang tibok ng dibdib;
Mapusyaw ang mundo at sigla ay salát
Sa libong tag-ulan kung walang pag-ibig.
4
Mahal ko’y dumating at itong puso ko
Ay biglang gumaling; ang lahat ng aking
Dusa’t pagsasakit ay biglang yumao
Nang lumantad siyang marikit ang tingin.
5
Ang dasal ni Latif: Ulap sa hilaga’y
Wakasan ang hirap ng kaniyang bayan;
Tighawin ang uhaw ng dukha at lupa—
Tubig na sagana’y dumaloy na bukál.
6
Hilaga’y may dagim; ang ulán at unos
Ay magpapabaha sa landas ng nayon.
Hindi nawa ako iwang nagmumukmok
Ng sinisinta ko sa kung anong rasón.
7
Hilaga patungo ang huning tariktik,
Mga magsasaka’y dala yaong suyod;
Nagdiriwang silang pastol na makisig
Dahil kaibigan ang ulang bubuhos.
Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity