Salin ng “Fabula de la suena y los borrachos,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Pabula ng Sirena at mga Lasenggo
Lahat ng tigulang na lalaki’y naroroon sa loob
nang pumasok siya, hubad na hubad.
Nag-iinuman sila, at sinimulan nilang duraan siya.
Dahil galing sa ilog, ni wala siyang naunawaan.
Isa siyang sirenang naligaw sa patutunguhan.
Umagos ang mga insulto sa kumikislap niyang balát.
Natigmak sa pambabastos ang bulawan niyang súso.
Lingid sa kaniya ang pagluha kaya hindi siya umiyak.
Lingid sa kaniya ang pananamit kaya hindi nagdamit.
Pinasò siya ng mga sigarilyo at nagbabagang tapón,
at napagulong sa katatawa ang mga nasa taberna.
Hindi siya umimik dahil banyaga sa kaniya ang wika.
Mga mata niya’y kakulay ng malayong pag-ibig;
mga braso niya’y katumbas ng kambal na topasyo.
Kumislot ang kaniyang labì sa liwanag ng korales,
hanggang sukdulang lumabas siya sa pintuan.
Nang lumusong sa ilog ay iglap na dumalisay siya,
at muling nagningning gaya ng batong naulanan;
at muli siyang lumangoy nang hindi lumilingon,
lumangoy tungo sa kawalan, sumisid sa kamatayan.
Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity