Dalawang Bayan, ni José Martí

Salin ng “Dos Patrias,” ni José Martí ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Dalawang Bayan

. . . . . . Dalawa ang aking bayan: ang Cuba at ang gabi.
O magkapareho lámang ang dalawa? Hindi maglalaon,
Mauunang magretiro ang mabunying araw
Kaysa Cuba na mahahaba ang belo at may tangang
Gumamela, walang kaimik-imik,
Gaya ng malungkot na balong lumitaw sa harapan ko.
Batid ko ang duguang gumamela
Na nanginginig sa kaniyang kamay! Hungkag ito,
Ang dibdib ko ay wasak at hungkag,
Na kinaroonan dati ng puso. Panahon na
para magsimulang mamatay. Ang gabi ay tumpak
Sa pagsabi ng pamamaalam. Nakaiistorbo ang liwanag
At ang salita ay pantao. Ang uniberso
Ay nakapagwiwika nang higit kaysa káya ng tao.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Tulad ng watawat
Na inaanyayahan tayo sa pakikidigma, kumukutitap
Ang pulang apoy ng kandila. Nalula ako nang buksan
Ang mga bintana. Umid na umid, pinipigtal
Ang mga dahon ng gumamela, gaya ng dagim
Na tumakip sa langit, ang Cuba, na balo, ay dumaraan. . .

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity.  Retrato ni Kurt Kleeb @unsplash.com