Kaibigan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaibigan

Roberto T. Añonuevo

Pahintuin ang araw na ito, at para kang tumitig
sa retrato na makulay ngunit nakababato.

Mabibigong mapasakamay ang lahat ng mithi,
ngunit ano ang mithi na natuklasan ng mistiko?

Nais mong nakapirmi ang lahat, tiyak na tiyak,
gayong ang búhay ay nakatakda sa paglalakad.

Kahit ang musika na isinatitik ay umaandar
sa isip o mesa ng nakikinig sa ritmo ng pag-iisa—

ang araw pa kaya? Ang sandali ay gumagalaw
na parang malilikot na batang naghahabulan,

walang pagkapagod, nakapikit man ang mundo
at nagninilay, ngunit mananatili silang liwanag

na hindi nasasaid ang gutom, at naghahanap
ng katwiran ng sinangag at kape para sa lahat.

Mainis ka man o matuwa, ang espasyo o oras
o ang ritwal ng yelo at apoy ay espektakulo

na kabilang ka, at kung hindi mo pa ito arok,
mabibigo kang makita ang sarili sa mga bituin.

Itatanong mo kung may puso ang araw na ito.
At sasagutin ka ng mga sagitsit ng elektrisidad,

at kung tatawagin itong damdamin o malamig
na yakap, yakap pa rin ito na nakapagpapaalab.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Nathan Dumlao @ unsplash.com

 

Mag-isa, ni Hermann Hesse

Salin ng “Allein,” ni Hermann Hesse ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mag-isa

May mga daan sa palibot ng mundo,
at maraming paraan na lingid sa tao,
ngunit ang lahat ng ito
ay may magkakaparehong wakas.

Makasasakay o makapaglalakbay
nang kasáma ang dalawa o tatlo,
ngunit sa pangwakas na hakbang mo
ay maglalaho ang iyong kapiling.

Kayâ wala nang makahihigit
sa karunungang natuklasan,
kundi ang matapos ang mahirap
gawin, at gawin ito nang nag-iisa.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Adi Goldstein @ unsplash.com

Ang Napulot sa Isang Bagyo, ni William Stafford

Salin ng “Found in a Storm,” ni William Stafford ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Napulot sa Isang Bagyo

Ang bagyo na nangangailangan ng bundok
ay natagpuan ito sa kinaroroonan natin:
Ginising tayo ng humahaginit na hangin
na nakikipagtalo sa ating tent,
at ang lahat ng nahimok na niyebe
ay bumalatay pahaba, at kinapa ang lupa.

Umatras tayo sa gayong kortina at bumaba.
Ngunit minsan, pipihit tayo pabalik
sa kortina at pilit yayao
ayon sa plano kahit may di-inaasahang bagyo,
maglalaho sa panahong malamig,
mga kahulugang naghahanap ng daigdig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Tiko Giorgadze @ unsplash.com

Ang Balón, ni Padma Sachdev

Salin ng tulang nasa wikang Dogri ni Padma Sachdev ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at batay sa bersiyong Ingles ni Iqbal Masud

Ang Balón

Sa kanang panig
ng aming buról ay may kumikislap na balón
na sagana sa tubig. Noong nakaraang taon,
ang tag-araw ay nagpayungyong
ng mga lungting mangga.
Inakit ng mga lungting sibol
ang guya,
na minalas mahulog sa balón at nalunod.
Mula noon, huminto na ang mga tao
na uminom mula sa balón. Ngayon, katulad ko
ang magnanakaw na naliligo doon sa gabi.
Isinasalok ko sa tubig ang aking mga palad
at umiinom sa hatinggabi.
Ngunit ang tubig
ay hindi nakatighaw ng aking uhaw,
ng aking pagnanasa. Sa madilim na púsod
ng balón ay may mga aninong
naghihintay pa rin sa mga babae
na ibinababâ ng lubid na may kawil
ngunit hindi nagbalik para sumalok ng tubig.
Ang karimlan ng balón
ay naghihintay
para sa tamang pagkakataon,
na magkaroon ako ng lakas ng loob
na ilahad ang aking mga kamay
at uminom sa tubig nito
kahit pa sa gitna ng napakaliwanag na araw.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Alvis Taurēns @ unsplash.com

Snorri Sturluson (1179-1241), ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Snorri Sturluson (1179-1241),” ni Jorge Luis Borges               
ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Snorri Sturluson (1179-1241)

Ikaw, na nagpamana ng mitolohiya
ng yelo at apoy sa gunita ng mag-anak,
na nagtala ng marahas na kadakilaan
ng palabán mong lahing Hermanika,
ay gitlang natuklasan isang gabi
ang mga espadang nagpanginig
sa di-masasandigan mong kalamnan.
Noong gabing iyon, walang kasunod
mong nabatid na isa kang duwag. . .
Sa karimlan ng Islandiya*, ang maalat
na simoy ay binulabog ang tumataog
na dagat. Napaliligiran ang bahay mo.
Tinungga mo hanggang katakatayak
ang di-malilimot na pagyurak sa dangal.
Bumagsak sa may lagnat mong ulo
at mukha ang espada, gaya ng malimit
maganap nang ilang ulit sa iyong aklat.

__________________
*Iceland

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Ricardo Cruz @ unsplash.com

Sagot ng Batikán sa isang Huntahan, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Der Erfahrene Antworten bel einem gesellschaftlichen Fragespiel,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sagot ng Batikán sa isang Huntahan

Makipagkita sa mga babaeng malamyos ang asal
At pupusta ako’t tiyak maaangkin mo silang lahat;
At ang mabilis kumilos na lalaking buô ang tapang
Ay marahil makagagawa nang higit sa nararapat;
Ngunit ang lalaking tila suplado’t walang pakialam
Ay anuman ang piliing tugon na kaniyang bigkasin
Ay makapagpapainit, kayâ may balanì ang datíng.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Image courtesy of Birmingham Museums Trust, “Phyllis and Demophoon,” 1870. Artist: Sir Edward Burne-Jones

Ang Araw ng Tagumpay, ni Rużar Briffa

Salin ng “Jum ir-Rebh,” ni Rużar Briffa ng Malta
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Tagumpay

Biglang napukaw ang madla at humiyaw: “Maltés ako!
Sino ang nanlilibak sa akin? Sino ang nangmamaliit sa akin?”
Sabay-sabay umawit ang laksang tao upang sila’y marinig.
Ang pambansang awit ng Malta—at ang tinig ay nagwagi
Laban sa paghimbing noon at sa nakaaantok na kawalang
Pakialam noong tulog kami sa kama na sakop ng banyaga.
At ang kaluluwa ni Vasalli ay bumangon mula sa libingan,
At siya’y sumigaw: “Sa wakas, makapagpapahinga na ako!”

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Magdalena Smolnicka @ unsplash.com

Mga Kawikaan at Awiting Bayan, ni Antonio Machado

Salin ng “Proverbios y Cantares,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Kawikaan at Awiting Bayan

Para kay Jose Ortega y Gasset

I
Ang matang nakikita mo ay hindi
mata dahil nakikita mo ito;
mata ito dahil nakikita ka.

II
Kung makikipag-usap ka,
magtanong muna,
sakâ—makinig.

III
Ang narcisismo’y
pangit na pagkakamali,
at lumang bisyo ngayon.

IV
Ngunit manalamin para sa iba,
sa ibang tao na katabi sa paglakad.

V
Sa mga nabubuhay at nangangarap
ay may ikatlong bagay.
Hulaan mo.

VI
Itong Narciso natin
ay hindi makita ang mukha sa salamin
dahil siya ay naging salamin.

VII
Bagong siglo? Nagpapanday
gaya noong nakaraan?
May tubig ba sa agusán
na patungo sa himlayan?

VIII
Bawat kisap ay Nakapirmi.

IX
Nasa Aries ang araw. Bintana ko’y
nakabukás sa malamig na timog.
O, laguklok ng tubig sa ibayo!
Ginigising nitong gabi ang ilog.

X
Doon sa sinaunang kamalig
—ang mataas na tore ng tagak—
ang masintang tunog ay naumid.
Sa iláng na bukid na malawak,
sumaluysoy sa lungkot ang tubig.

XI
Gaya noon, ako’y nakatuon
sa sariwang tubig na inipon;
ngunit ngayon, sa buháy na tubig
na umagos sa bato ng dibdib.

XII
Kapag narinig ang tubig, sinasabi bang
nagmula ito doon sa bundok o lambak,
o sa plasa o kaya’y hardin o lagwerta?

XIII
Ginugulat ako ng natutuksan:
Mga dahon ng halimuyak hardin
ay kasimbango ng hinog na limón.

XIV
Huwag mo nang bakasin ang harap,
o mangamba sa anyong panlabas.

XV
Hanapin mo ang iyong kabiyak
na laging kasabay sa paglakad
at karaniwang iba sa iyo.

XVI
Kapag sumapit ang tagsibol,
magtungo sa mga bulaklak—
Huwag mong sipsipin ang allid.

XVII
Sa aking pag-iisa,
nakita ko nang malinaw ang mga bagay
na pawang kabulaanan.

XVIII
Mabuti ang tubig, gayundin ang uhaw,
Mabuti ang anino, gayundin ang araw.
Ang pulut mula sa bulaklak ng romero
ang pulut din mula sa lastag na bukirin.

XIX
Iisa ang sandigang simbolo:
Quod elixum est ne asato.
Huwag ihawin ang naluto mo.

XX
Umawit, umawit, umawit,
ang kuliglig na nasa hawla
ay anong lapit sa kamatis.

XXI
Sumulat nang masinop at marahan:
Ang paggawa nang napakahusay
ay matimbang kaysa likhang bagay.

XXII
Lahat ay pare-pareho,
oo, lahat ay pareho. . .
Sabi ng susô sa aso:
Atupagin ang pagtakbo.

XXIII
May mga lalaking aktibo!
Ang latian ay nangangarap
ng angking mga lamok nito.

XXIV
Gumising, mga makata!
Ipinid ang alingawngaw
at ang tinig ay simulan.

XXV
Huwag maghanap ng disonansiya;
Dahil wala namang disonansiya.
Sasayaw sa tunog ang may pandama.

XXVI
Hanap-hanap ng makata’y
hindi ang pangunang Ako
bagkus Ikaw na hiwaga.

XXVII
Ang mga matang asam mo—
makinig ngayon, o kasáma—
Ang paninging nutok sa iyo
ay paningin dahil kita ka.

XXVIII
Higit sa búhay at pananaginip
ay may mahalagang isasaisip:
Ang paggising.

XXIX
May isang nakaisip:
Cogito ergo non sum.
Anong pagmamalabis!

XXX
Akala ko’y patay na ang apoy
at kayâ hinalukay ang abó. . .
Napasò ang mga daliri ko.

XXXI
Magtuon ng pansin ngayon:
Ang pusò na basta pusò
ay hindi tunay na pusò.

XXXII
Nakita ko siya sa panaginip:
Bihasang mangangaso ng sarili,
paráting nananambang bawat saglit.

XXXIII
Nahuli niya ang masamang tao:
Siya na kung aliwalas ang araw
ay naglalakad ba nang nakatungó.

XXXIV
Kung tula mo ay maging karaniwan,
ipása ito at walang masama:
Nakalaan sa pera ang bulawan.

XXXV
Kung mabuti ang mabuhay,
mabuti pa ang humimbing.
Higit sa lahat ng bagay:
Si Nanay ay magigising.

XXXVI
Nakabubuti ang liwayway para magising,
ngunit higit ang kampana na dapat piliin—
na sa tuwing umaga ay pinakamagaling.

XXXVII
Malambot sa piling ng igos,
matigas sa piling ng bato.
Kalunos-lunos!

XXXVIII
Sa sandaling ako ay mag-isa
kay lapit ng mga kaibigan;
ngunit kapag nasa piling nila
ay malayo sa kanilang tanaw.

XXXIX
Ano ang hula mo, makata?
Magsasalita búkas ang umid:
Ang puso at ang bato.

XL
. . . . .Ano pa ang sining?
Isang larong lantay at marubdob,
katumbas ng dalisay na búhay,
katumbas ng dalisay na apoy.
Makikita’y bágang sumisiklab.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Rene Bernal @ unsplash.com

 

Para sa Kanilang Darating, ni C.P. Cavafy

Salin ng “For Them to Come,” ni C.P. Cavafy ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Para sa Kanilang Darating

Sapat na ang isang kandila. . . . . . . . . .Ang kulimlim nitong sinag
ay higit na angkop, . . . . . .. . . . . . . magiging higit na mabuti
kapag dumating ang mga Anino, . . . ang mga Anino ng Pag-ibig.

Sapat na ang isang kandila. . . . . . .. . . Ngayong gabi, ang silid
ay hindi dapat nakasisilaw. . . . . . Lubog nang ganap sa pagninilay
at sa mungkahi, . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at sa mahinang ilaw—
kayâ masidhi sa pagninilay, . . . . . . . mangangarap ako ng bisyon

para sumapit ang mga Anino, . . . . . .ang mga Anino ng Pag-ibig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Christian Holzinger @ unsplash.com

Awit ng Siraulo, ni Émile Verhaeren

salin ng “Chanson de Fou,” ni Émile Verhaeren ng Belgium
salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Siraulo

Ang mga daga sa kanugnog na libingan,
noong tanghaling-tapat,
ay hayok na kampanang humihiging.

Nginangasab nila ang mga puso ng patay,
at nagsitaba sa pagsisisi.

Nilamon nila ang uod na kumakain ng lahat
at walang hangga ang kanilang gutom.

Heto ang mga daga
na ngumangatngat sa daigdig
mula itaas hanggang ibabang panig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Mohammad Fahim @ unsplash.com