Salin ng “The Mystic Drum,” ni Gabriel Okara ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Mistikong Kalatong
Pumipintig sa loob ko ang mistikong kalatong
at nagsasayaw ang mga isda sa mga ilog
at umiindak sa lupa ang mga lalaki’t babae
sa indayog ng aking tambol
Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.
Nagpatuloy ang lagabog ng aking kalatong,
pinakikilapsaw ang simoy sa bumibilis
na tempo na humahatak sa mabibilis
at mga yumao na umindak at umawit
sa anyo ng kanilang mga anino—
Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.
Pagdaka’y humataw ang kalatong sa ritmo
ng mga bagay sa lupa
at nanambitan sa mata ng kalangitan
sa araw, sa buwan, sa mga anito ng ilog
at sumayaw ang mga punongkahoy,
ang mga isda’y nagbanyuhay na mga tao,
at ang mga tao’y nagbalik sa pagkaisda
at ang mga bagay ay huminto sa paglago—
Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.
At ang mistikong kalatong
sa loob ko’y huminto sa pagpitlag—
at ang mga tao ay naging tao,
ang mga isda ay naging isda
at ang mga punongkahoy, araw, at buwan
ay natagpuan ang kani-kaniyang lugar,
at ang mga patay ay nagtungo sa libingan
at ang mga bagay ay nagsimulang lumago.
At sa likod ng punò na kinatatayuan niya
ay sumibol ang mga ugat mula sa kaniyang
mga paa at yumabong ang mga dahon
sa kaniyang ulo at lumabas ang usok
sa kaniyang ilong
at ang labi niyang nag-iwan ng ngiti
ay naging hukay na sumusuka ng karimlan.
Sakâ ko iniligpit ang mistikong kalatong
at yukod na umalis; at hindi na muling
nagtambol nang nakatutulig.
Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity