Salin ng “The Pulse of Cosmic Rhythm,” ni Ḥannā Abu Ḥannā ng Israel at Palestina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Pintig ng Kosmikong Ritmo
Sa simula ay may Rosas
Bago pa lumitaw ang Latigo.
Sa simula ay may bága
Bago ang nalikha ang palayok at allid.
Nauna ang liwanag
Kaysa Apoy at Pulbura.
Sa simula ay may Punongkahoy,
Prutas at lilim,
Bago ang haligi ng Krusipiksiyon.
Sa simula ay may espiritung
Tinapay ng Maykapal,
At may hulagway ng Diyos ang Tao.
Walang hanggan ang pagsisimula ng simulang
Sunod-sunod ang alon ng mga salinlahing pinagmulan,
At may ubod na salinlahing laging nagsisimula sa una,
Sa bukál na walang wakas sinisimulan ang simula,
Ang esensiya ng Rosas na kumikinang,
Ang mga birheng alon na mabilis lumulundag
Nang napakalinis ang mga sumisikdong bagà.
Sino ang nagturo sa mga pakpak ng mga tagak
Hinggil sa lihim ng mga bituin na nagbabadya ng ulan?
Sino ang humimok sa paglalakbay ng mga pukyot na nagwawakas sa pulut?
Sino ang naglagay ng kompas sa utak ng salmon?
Namumuhay tayo sa pulso ng kosmikong ritmo
Ang mga alon ng salinlahing patuloy na sumisirit
At may ubod ng mga salinlahing simula na nagsisimula
Walang hanggang mga kabayo ng kalayaang sumisingasing ng Rosas,
Sa sarili nitong dugong paikot-ikot dumadaloy.
Kaya umagos, o Ilog Jordan!
At hayaang sumingasing ang kaluluwa ng mga kabayo ng Mediterráneo!
Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity