Huwag matakot mamatay sa daan, ni Alexander Blok

Salin ng bahagi ng “Mga Berso ukol sa Babaeng Marikit,” ni Alexander Blok ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Huwag kang matakot mamatay sa daan

Huwag kang matakot mamatay sa daan.
Katoto’t kaaway ay hindi sagabal.
Makinig sa wika nitong paglilingkod
Upang mahigtan mo ang saklaw ng takot.

Siya ay bababa patungo sa iyo.
Kung alipin ka man o bulok ang mundo’y
Hindi ka na muling luluhod sa ningning
Sa kakawang anyo at dukhang imahen.

Dahil siya’t ikaw ay iisang batas,
Ang dakilang utos ng Nakatataas.
Hindi ka bilanggo sa sukdulang hapdi’t
Kawalang pag-asang eternal ang gawi.

5 Hulyo 1902

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity