Salin ng “Venedig,” ni Friedrich Nietzsche ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Venice
Tumambay ako kamakailan
sa tulay noong kayumanggi ang gabi.
Mula sa malayo’y lumitaw ang awit:
Gaya ng bulawang patak, unti-unti itong umapaw
sa nanginginig na rabáw.
Mga gondola, ilaw, at musika—
Lasing itong umahon tungo sa takipsilim.
Ang kaluluwa ko, na instrumentong de-kuwerdas,
ay kusang tinugtog, nang di-halatang nababaliw,
ang lihim na awit ng gondola,
habang kumakatal sa kumikislap na ligaya.
May nakinig kaya rito?
Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Karsten Würth, titled “Venice, Italy,” @ unsplash.com