Salin ng “Klage,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Dalamhati
Ang Pagtulog at ang Kamatayan, na agilang
mapapanglaw,
ay nagpaikot-ikot sa kaniyang ulo:
Ang ginintuang hulagway ng tao
ay nilapa ng malamig na alon
ng eternidad. Sa nakakikilabot na mga bangin,
ang mala-lilang katawan ay nadurog.
At ang maitim na tinig ay nagdadalamhati
sa ibabaw ng dagat.
Kapatid ng maunos na panggigipuspos,
masdan ang bagabag na bangkang lumubog
sa ilalim ng mga bituin,
ang napakatahimik na mukha ng gabi.
Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Adam Dore @ unsplash.com