Salin ng “Proverbios y Cantares,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Mga Kawikaan at Awiting Bayan
Para kay Jose Ortega y Gasset
I
Ang matang nakikita mo ay hindi
mata dahil nakikita mo ito;
mata ito dahil nakikita ka.
II
Kung makikipag-usap ka,
magtanong muna,
sakâ—makinig.
III
Ang narcisismo’y
pangit na pagkakamali,
at lumang bisyo ngayon.
IV
Ngunit manalamin para sa iba,
sa ibang tao na katabi sa paglakad.
V
Sa mga nabubuhay at nangangarap
ay may ikatlong bagay.
Hulaan mo.
VI
Itong Narciso natin
ay hindi makita ang mukha sa salamin
dahil siya ay naging salamin.
VII
Bagong siglo? Nagpapanday
gaya noong nakaraan?
May tubig ba sa agusán
na patungo sa himlayan?
VIII
Bawat kisap ay Nakapirmi.
IX
Nasa Aries ang araw. Bintana ko’y
nakabukás sa malamig na timog.
O, laguklok ng tubig sa ibayo!
Ginigising nitong gabi ang ilog.
X
Doon sa sinaunang kamalig
—ang mataas na tore ng tagak—
ang masintang tunog ay naumid.
Sa iláng na bukid na malawak,
sumaluysoy sa lungkot ang tubig.
XI
Gaya noon, ako’y nakatuon
sa sariwang tubig na inipon;
ngunit ngayon, sa buháy na tubig
na umagos sa bato ng dibdib.
XII
Kapag narinig ang tubig, sinasabi bang
nagmula ito doon sa bundok o lambak,
o sa plasa o kaya’y hardin o lagwerta?
XIII
Ginugulat ako ng natutuksan:
Mga dahon ng halimuyak hardin
ay kasimbango ng hinog na limón.
XIV
Huwag mo nang bakasin ang harap,
o mangamba sa anyong panlabas.
XV
Hanapin mo ang iyong kabiyak
na laging kasabay sa paglakad
at karaniwang iba sa iyo.
XVI
Kapag sumapit ang tagsibol,
magtungo sa mga bulaklak—
Huwag mong sipsipin ang allid.
XVII
Sa aking pag-iisa,
nakita ko nang malinaw ang mga bagay
na pawang kabulaanan.
XVIII
Mabuti ang tubig, gayundin ang uhaw,
Mabuti ang anino, gayundin ang araw.
Ang pulut mula sa bulaklak ng romero
ang pulut din mula sa lastag na bukirin.
XIX
Iisa ang sandigang simbolo:
Quod elixum est ne asato.
Huwag ihawin ang naluto mo.
XX
Umawit, umawit, umawit,
ang kuliglig na nasa hawla
ay anong lapit sa kamatis.
XXI
Sumulat nang masinop at marahan:
Ang paggawa nang napakahusay
ay matimbang kaysa likhang bagay.
XXII
Lahat ay pare-pareho,
oo, lahat ay pareho. . .
Sabi ng susô sa aso:
Atupagin ang pagtakbo.
XXIII
May mga lalaking aktibo!
Ang latian ay nangangarap
ng angking mga lamok nito.
XXIV
Gumising, mga makata!
Ipinid ang alingawngaw
at ang tinig ay simulan.
XXV
Huwag maghanap ng disonansiya;
Dahil wala namang disonansiya.
Sasayaw sa tunog ang may pandama.
XXVI
Hanap-hanap ng makata’y
hindi ang pangunang Ako
bagkus Ikaw na hiwaga.
XXVII
Ang mga matang asam mo—
makinig ngayon, o kasáma—
Ang paninging nutok sa iyo
ay paningin dahil kita ka.
XXVIII
Higit sa búhay at pananaginip
ay may mahalagang isasaisip:
Ang paggising.
XXIX
May isang nakaisip:
Cogito ergo non sum.
Anong pagmamalabis!
XXX
Akala ko’y patay na ang apoy
at kayâ hinalukay ang abó. . .
Napasò ang mga daliri ko.
XXXI
Magtuon ng pansin ngayon:
Ang pusò na basta pusò
ay hindi tunay na pusò.
XXXII
Nakita ko siya sa panaginip:
Bihasang mangangaso ng sarili,
paráting nananambang bawat saglit.
XXXIII
Nahuli niya ang masamang tao:
Siya na kung aliwalas ang araw
ay naglalakad ba nang nakatungó.
XXXIV
Kung tula mo ay maging karaniwan,
ipása ito at walang masama:
Nakalaan sa pera ang bulawan.
XXXV
Kung mabuti ang mabuhay,
mabuti pa ang humimbing.
Higit sa lahat ng bagay:
Si Nanay ay magigising.
XXXVI
Nakabubuti ang liwayway para magising,
ngunit higit ang kampana na dapat piliin—
na sa tuwing umaga ay pinakamagaling.
XXXVII
Malambot sa piling ng igos,
matigas sa piling ng bato.
Kalunos-lunos!
XXXVIII
Sa sandaling ako ay mag-isa
kay lapit ng mga kaibigan;
ngunit kapag nasa piling nila
ay malayo sa kanilang tanaw.
XXXIX
Ano ang hula mo, makata?
Magsasalita búkas ang umid:
Ang puso at ang bato.
XL
. . . . .Ano pa ang sining?
Isang larong lantay at marubdob,
katumbas ng dalisay na búhay,
katumbas ng dalisay na apoy.
Makikita’y bágang sumisiklab.
Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Rene Bernal @ unsplash.com