Kaibigan
Roberto T. Añonuevo
Pahintuin ang araw na ito, at para kang tumitig
sa retrato na makulay ngunit nakababato.
Mabibigong mapasakamay ang lahat ng mithi,
ngunit ano ang mithi na natuklasan ng mistiko?
Nais mong nakapirmi ang lahat, tiyak na tiyak,
gayong ang búhay ay nakatakda sa paglalakad.
Kahit ang musika na isinatitik ay umaandar
sa isip o mesa ng nakikinig sa ritmo ng pag-iisa—
ang araw pa kaya? Ang sandali ay gumagalaw
na parang malilikot na batang naghahabulan,
walang pagkapagod, nakapikit man ang mundo
at nagninilay, ngunit mananatili silang liwanag
na hindi nasasaid ang gutom, at naghahanap
ng katwiran ng sinangag at kape para sa lahat.
Mainis ka man o matuwa, ang espasyo o oras
o ang ritwal ng yelo at apoy ay espektakulo
na kabilang ka, at kung hindi mo pa ito arok,
mabibigo kang makita ang sarili sa mga bituin.
Itatanong mo kung may puso ang araw na ito.
At sasagutin ka ng mga sagitsit ng elektrisidad,
at kung tatawagin itong damdamin o malamig
na yakap, yakap pa rin ito na nakapagpapaalab.
Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Nathan Dumlao @ unsplash.com