Isipin ang iba, ni Mahmoud Darwish

Salin ng “Think of Others,” ni Mahmoud Darwish ng Palestine
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isipin ang Iba

Habang naghahanda ng agahan, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang pagkain ng kalapati).
Habang sumasabak sa mga digma, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang nakikibaka sa kapayapaan).
Habang nagbabayad ng singil sa tubig, isipin ang iba
. . . .(sila na malimit kinakandili ng mga ulap).
Habang papauwi sa iyong bahay, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang mga tao sa mga kampo).
Habang nakahiga at nagbibilang ng tala, isipin ang iba
. . . .(sila na walang pook na matutulugan).
Habang nananalinghaga sa sarili, isipin ang iba
. . . .(sila na nawalan ng karapatang makapagsalita).
Habang iniisip ang iba sa malayo, isipin ang sarili
. . . .(sabihin: kung ako lámang ay tanglaw sa karimlan).

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Sujeeth Potla

Paglalakad sa tanghali sa damuhan ng asilo, ni Anne Sexton

Salin ng “Noon walk on the asylum lawn,” ni Anne Sexton ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paglalakad sa tanghali sa damuhan ng asilo

Ang sinag ng tag-araw
ay pumaling sa mapagdudang punongkahoy,
bagaman binabagtas ko ang lambak ng anino.
Hinigop nito ang hangin
at hinanap-hanap ako.

Nagsalita ang damo.
Dinig ko ang damuhang humihimig maghapon.
Di ako takot sa masama’t walang masamang
kinasisindakan.
Ang mga dahon ay humahaba
at inaabot ang aking dinaraanan.

Napunit ang kalangitan.
Lumaylay ito at huminga sa aking mukha
sa harap ng mga kaaway ko, kaaway ko.
Ang daigdig ay hitik sa mga kaaway.
Wala nang ligtas na pook.

Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Casey Botticello @ unsplash.com

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Pipi, ni Margaret Atwood

Salin ng “Mute,” ni Margaret Atwood ng Canada
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pipi

Magsalita o manahimik: muling lumilitaw ang tanong kapag namalayang lumabis na naman ang nasabi mo. Isa na namang kuyom sa mga pangngalan, isang dakot: masdan kung paano nila pinipili ang mga ito, ang mga mamimíli ng mga salita, kumukurot dito at doon upang tingnan kung may gurlis yaon. Hindi nakalalamáng ang mga pandiwa, iniikid nila ang mga ito, pagdaka’y ilalarga, pag-aagawan sa mesa, iikirin muli nang mahigpit, at malalagot ang ispring. Hindi mo matatanggap ang isa pang tula ng ispring, tatanggihan ang mga nakataling patinig, tatanggihan ang gasgas na salitang berde na taglay nito, hindi sa iyo, hindi sa mga langgam na gumagapang sa kabuoan nito, hindi sa ganitong pagkapeste. Merkado ito at may batik ng langaw; paano hinuhugasan ang wika? Naroon ang umpisa ng mabantot na amoy, maririnig mo ang mga atungal, may kung anong nilalamon, na nagiging malimit. Ramdam mong nabubulok ang iyong bibig.

. . . . . .Bakit ka makikisangkot? Makabubuti kung umupo sa gilid, sa bangketa sa lilim ng tabing, nakatukop ang mga palad sa bibig, tainga, mata, at may baso sa harap mo na huhulugan o hindi huhulugan ng barya ng mga tao. Pakiwari nila’y hindi ka makapagsalita, naaawa sila sa iyo, ngunit. Ngunit naghihintay ka ng salita, ang salita na sa wakas ay magiging tumpak. Isang tambalan, ang salinlahi ng búhay, putik, at liwanag.

Alimbúkad: World poetry solidarity for humanity. Photo by Radu Stanescu.

 

Ang Ulam, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ulam

Roberto T. Añonuevo

Ang tupa ng hari’y
daig pa ang hari.

Anak ng tupa,
paano ka ba naging isang uban
sa gubat ng dilim?
Para kang nakatatak
sa mga tisert o bag
na ipagmamagara sa tamang sandali
ng kawan-kawan mong tagasunod.
Naunawaan ka namin
sa banyagang pananampalataya
kahit higit na masarap ang tulingan
o itik o baboy-damo.
Modelo ka sa laboratoryo ng isip,
at ligtas kami dahil sa iyong lahi
o sa isusuot na damit.
Masungit dahil malayo sa pastulan,
naghahanap ka ngayon ng damo—
kuwarentena ang pastol at mga aso.
Kutob mo ang simoy ng panganib
sa masasalubong na sabik na lobo
o sa tropa ng mga uwak
kung iyan ang kapalaran sa lupa.
Balisa sa iláng, iláng na iláng ka
kapag tinititigan para sa iniisip
nilang piging o hapunan.
Ano ang magiging tanaw sa iyo
ni Abraham kung masalalak sa sukal?
Tumatakbo kang naliligaw,
nagugutom sa kalugurang sensuwal;
kumakapal ang tatag mo sa taglamig,
at sinabing hubad ang iyong anino
na sakay ng usok tungo sa Paraiso.
Sinusukat at inuuri ng mga diyos
ang iyong lamán, balahibo’t balát,
hinahangaan ang bait, buto’t bayag,
at ihatid man sa katayan o palengke,
nakasusuot ka sa aming guniguni:
malumay, pagpalitin man ang puwesto
ng iyong mga katinig. . . .

Alimbúkad: Uncompromising poetry imagination for humanity. Photo by Mat Reding @ unsplash.com

Katarungan, ni Langston Hughes

Salin ng “Justice,” ni Langston Hughes (James Mercer Langston Hughes) ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katarungan

Na ang katarungan ay bulag na diyosa’y
bagay na tayong mga itim ay mautak.
Benda niya’y di nagkubli ng mga sugat
Na marahil ay minsang naging mga mata.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Rachael Henning @ unsplash.com

Ang Pagbabalik ng Awit, ni Lord Dunsany

Salin ng “The Return of Song,” ni Lord Dunsany (Edward John Moreton Drax Plunkett) ng Ireland at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pagbabalik ng Awit

. . . . . .“Umaawit muli ang mga sisne,” sabi ng isa sa kapuwa niya diyos. Sa aking mga panaginip ay napadako ako sa marikit at malayong Valhalla, at nang sumilip ako pababa, nakita ko sa ilalim ang maningning na bulâ na hindi naman higit na malaki sa bituing magayon ngunit aandap-andap, at pataas nang pataas mula roon ay bumungad ang palaki nang palaki na kawan ng mga sisneng umaawit nang umaawit, hanggang ang mga diyos ay tila mga ilahas na barkong lumalangoy sa musika.

. . . . . “Ano iyan?” sambit ko sa isang mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos.

. . . . . “Tanging ang mundo ang nagwakas,” aniya sa akin, “at ang mga sisne ay nagbabalik sa mga diyos upang maghandog ng awit.”

. . . . . “Patay,” sabi niya na mapagkumbaba sa hanay ng mga diyos. “Hindi habang-panahon ang mga mundo; tanging ang awit ang inmortal.”

. . . . . “Masdan mo! Masdan mo!” aniya. “Magkakaroon ng bago sa lalong madaling panahon!”

. . . . . At tumingin ako, at nasilayan ang mga pipit na bumubulusok mula sa mga diyos.

Alimbúkad: Poetry Translation Unstoppable. Photo by Priscilla Du Preez @ unsplash.com

Ang Ginintuang Kalis: Barrabás, ni Georg Trakl

Salin ng “Aus goldenem Kelch. Barrabas,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang ginintuang Kalis: Barrabás
Isang Pantasya

. . . . . .Naganap iyon sa parehong oras, habang inilalabas nila ang Anak ng Tao tungo sa Gólgota; ang pook na pinagdadalhan sa mga magnanakaw at salarin para bitayin.

. . . . . .Naganap iyon sa parehong dakila at maningning na oras, habang natutupad ang kaniyang gawain.

. . . . . .Naganap iyon, nang sa parehong oras, ang makapal na lipon ng mga tao ay tumatawid sa mga lansangan ng Jerusalem at naghihiyawan—at sa gitna ng mga tao ay naglalakad si Barrabás na salarin, at taas-noo sa himagsik.

. . . . . .At sa palibot niya ay naroon ang mga puta na bihis na bihis, pulang-pula ang mga labì at de-pulbo ang mga pisngi, at hinablot siya. Naroon din ang mga lalaking lango sa alak at bisyo. Ngunit sa kanilang pananalita’y nakakubli ang kasalanan ng kanilang lamán, at sa kabulukan ng kanilang muwestra ay nakahimlay ang pahayag ng kanilang iniisip.

. . . . . .Marami sa nakakita sa lasing na prusisyon ay nakihalubilo at sumigaw: ‘Mabuhay si Barrabás!’ At naghiyawan lahat sila: ‘Hayaang mabuhay si Barrabás!’’ May kung sinong sumigaw ng ‘Osana!’ May isa pang tao, gayunman, na pinaghahataw nila—dahil ilang araw lámang ang nakalilipas nang sumigaw sila ng ‘Osana!’ sa isang Tao na pumasok bilang hari sa bayan, at may mga sariwang palaspas sa kaniyang nilalakaran. Ngunit ngayon ay lumikha sila ng tirintas ng mga pulang rosas at malugod na nagsisigaw: ‘Barrabás!’

. . . . . .At nang lumampas sila sa palasyo, narinig nila ang pagpapatugtog ng mga bagting at ang halakhakan at ang ingay ng pagdiriwang. At lumabas sa bahay na ito ang isang kabataang nakabihis para sa pagsasaya. Ang kaniyang buhok ay kumikinang sa mahalimuyak na langis at ang katawan ay may pabango ng pinakamahal na oleo ng Arabia. Kumikislap ang kaniyang mata mula sa tuwa sa pista at ang kaniyang ngiti ay may pagnanasa mula sa mga halik ng kaniyang mangingibig.

. . . . . .At nang makilala ng kabataan si Barrabás, humakbang siya pasulong at nagwika sa ganitong paraan:

. . . . . .‘Pumasok sa aking bahay, O Barrabás, at makahihiga ka sa pinakamalambot na unan; pumasok, O Barrabás, at ang aking mga alipin ay lalangisan ang iyong katawan sa pamamagitan ng mamahaling nardo. At sa iyong paanan ay magpapatugtog ng pinakamayuming melodiya ng laud ang dalagita at mula sa pinakamahal kong kopa ay ihahain ko sa iyo ang aking malinamnam na alak. At mula sa alak na ito ay ilulubog ko ang aking kahanga-hangang mga perlas. O Barrabás, tumuloy ka bilang panauhin ngayon—at ang aking sinta’y laan para sa aking panauhin ngayon, siya na higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol. Pumasok, O Barrabás, at hayaang putungan ka ng mga rosas, magdiwang sa araw na ito sa sandaling dapat siyang mamatay na ang ulo’y kinoronahan ng mga tinik.’

. . . . . .At makaraang magsalita ang kabataan, ang mga tao’y sumigaw sa kaniya sa labis na tuwa at umakyat si Barrabás sa mga baitang na marmol gaya ng isang nagwagi. At ang kabataan ay kinuha ang mga rosas at ipinutong sa ulo nang abot hanggang kilay ni Barrabás, na salarin.

. . . . . .At pagkaraan ay kasáma niyang pumasok sa bahay si Barrabás, habang naglulundagan sa tuwa ang mga tao.

. . . . . .Humilig si Barrabás sa malalambot na unan; nilangisan ng mga alipin ang kaniyang katawan mula sa piling nardo at sa kaniyang paanan ay mayuming tumipa ng mga bagting ang dalagita, at sa kaniyang kandungan ay umupo ang babaeng sinta ng kabataan, ang babaeng higit na marikit sa madaling-araw ng tagsibol.

. . . . . .Umalingawngaw ang halakhak—at ang mga panauhin ay nalasing sa di-akalaing kaluguran, silang lahat na pawang kaaway at manlilibak sa Isang Natatangi—ang mga fariseo at basalyo ng mga pari.

. . . . . .At sa itinakdang oras ay nag-utos ng katahimikan ang kabataan at huminto ang panawagan. Pagdaka’y sinalinan ng kabataan ang kaniyang ginintuang kopa ng pinamalinamnam na alak, at sa sisidlang ito ang alak ay naging tulad ng kumikinang na dugo. Inihagis niya rito ang perlas at inialok ang kopa kay Barrabás. Ang kabataan, gayunman, ay tangan ang kopa na yari sa kristal at itinaas niya ito para kay Barrabás:

. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At lahat ng nasa silid ay sumigaw sa galak:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’
. . . . . .At nagsigawan ang mga tao sa mga lansangan:
. . . . . .‘Patay na ang Nazareno! Mabuhay si Barrabás!’

. . . . . .At biglang naglaho ang araw, nayanig ang lupa hanggang pinakapundasyon nito, at ang makapangyarihang sindak ay naglandas sa buong daigdig. Lahat ng nilalang ay nangatal. At sa parehong oras, naganap ang gawain ng pagliligtas!

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Jametlene Reskp @ unsplash.com

 

Bago ko basahin ang The Kite Runner, ni Naomi Shihab Nye

Salin ng “Before I Read The Kite Runner,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bago ko basahin ang The Kite Runner

Kandong ko ito noong nasa eroplano sa Cairo habang papasakay ang mga pasahero. Waring magandang aklat itong basahin, sa wakas, sa gayong mahabang biyahe. Nakakuha ako ng sipi nang mailathala ito, ngunit ngayon sa aking palagay ang tamang panahon. Dalawang lalaki mulang Yemen sa kabilang upuan, at kangina’y naiidlip habang papasakay ang mga pasaherong taga-Ehipto, ay tumuro at nagsabing, “Magandang aklat! Magandang aklat!” Ilang babae mulang Alemanya ang tinapik ang ulo ko at nagwikang, “Gusto namin ang aklat na iyan!” Isang Amerikano na katabi ang kaniyang asawa ay dumukwang at nagsabing, “Namulat kami riyan!” Nakagugulat! Lahat yata ng nasa eroplano ay waring nauna sa aking makabása ng aklat. At lahat sila’y kaibigan dahil tangan ko ito!

Makabubuti sigurong maglagalag na lámang tayo sa ibang bansa habang dala-dala ang mga aklat.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Hannah Grace @ unsplash.com